Hindi sa Pilipinas nawala ang 2 iPhone ni Paris
Pasado 10 p.m. kahapon dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang Emirates airplane na sinakyan ni Paris Hilton.
Pero ilang metro pa lang paglabas ng eroplano ay napansin na ni Paris na nawawala ang kanyang mga cellphone.
Napaupo si Paris habang hinahanap sa mga bag niya ang dalawang iPhone pero hindi niya maalala kung saan nawala ang mga ito.
Nagkaroon pa ng mga espekulasyon na nanakawan siya ng cellphone dito sa Maynila.
Pero agad itong itinanggi ni MIAA general manager Jose Honrado.
“It could either be inside of the airplane or prior of departure niya in Dubai,” sabi ni Honrado.
Pagdating sa arrival area, hindi na nagpaunlak ng interview si Paris na dinumog ng media at fans.
Gayunman napagbigyan pa rin ni Paris ang ilang nagpa-autograph.
Limang araw mananatili sa bansa si Paris para sa pagbubukas ng luxury store sa SM Megamall at tutulong din sa disenyo ng isang real estate property sa Parañaque.
Nakatakda rin siyang makipagkita kay Congressman Manny Pacquiao.
Makikipag-ugnayan naman ang airport authorities sa mga opisyal ng Emirates para matukoy kung paano nawala ang dalawang iPhones ni Paris Hilton. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino
08/15/2011 10:49 PM







