Charice tuloy ang pag-aaral kahit busy sa Glee


Kahit busy, tuloy ang pag-aaral ni Charice na nag-enrol na sa isang online course! Balik-concert naman ang superstar na si Nora Aunor sa Australia at Andi Eigenmann, lumaki na nga ba ang ulo.

Miss Universe ang naging tema ng masayang thanksgiving party ng top-rating serye na Agua Bendita, Miyerkules ng gabi.

Hindi naman napigilang umiyak ng bidang si Andi Eigenmann sa gitna ng tagumpay. Itinanggi niyang lumaki na ang kanyang ulo.

Rumampa naman ang international singing sensation na si Charice sa kanyang back-to-school look para sa isang sikat na mall sa Manhattan, New York.

Sa gitna ng taping para sa hit US TV musical na Glee, nababalanse pa rin ng Pinay ang kanyang pag-aaral.

Nag-enrol sa online course na Bachelor of Arts in Communications ang singer sa Southern New Hampshire University sa Boston, Massachussettes.

Samantala, sasabak muli sa concert series sa Australia ang superstar na si Nora Aunor simula Agosto 26.

Ito ay kahit napabalitang nasira ang boses ni Nora kasunod ng cosmetic procedure sa Japan noong Pebrero.

Kasama sa concert ang kaibigan ni Nora na si German Moreno.

Nasa Amerika pa ang superstar at malaking tanong pa rin kung kailan siya magbabalik sa Pilipinas. – Gretchen Fullido, Patrol ng Pilipino