Jackie Chan: Huwag ibaling ang galit sa mga Pinoy


Tatlumpu’t limang taon nang negosyante sa Pilipinas ang Chinese-Hong Kong na si Victor Chan.

Bagamat nalungkot at nadismaya sa nangyaring hostage situation noong Lunes, naniniwala syang isolated incident lamang ang nangyari.

Panawagan niya sa kanyang mga kababayan, ‘wag ibaling ang galit sa mga Pinoy.

“Please understand the situation in the Philippines. I have been here for the past 35 years and actually, they are willing to help,” sabi ni Chan.

Naging usap-usapan din sa social networking site na Twitter ang mga tweets ng Hong Kong superstar na si Jackie Chan.

@eyeofjackiechan: I come back to hk & i hear terrible news about what happened in filippines. A lot of things dont happen to your own country you don't pay attention

"Lose-lose" situation daw ang naganap na hostage taking.

@eyeofjackiechan: If they killed the guy sooner, they will say why not negotiate first? If they negotiate first, they ask why not kill the guy sooner? So sad

Pinaalaala nya na ang Hong Kong ay naging matatag dahil sa iba-ibang lahi at kultura kaya wala raw silang kinamumuhian.

@eyeofjackiechan: Hk is a nation built by a lot of different people..don't worry! We do not hate!

Kanina, sa wikang Chinese, nagpasalamat si Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Pero hindi pa rin mapigilan ang negatibong reaksyon mula sa China. Nagsisimula na ang mga kanselasyon sa mga bookings ang mga travel agency at hotel mula sa mga turista galing Hong Kong, mainland China at Taiwan.

Hindi na nagugulat dito ang Filipino Chinese na si Teresita Ang-See, lalo na at headline pa rin ngayon sa mga dyaryo sa Hong Kong ang malagim na insidente noong Lunes.

“Meron kasing basic ten-point guideline. Sampu lang kasi iyon eh – they violated each and every one of those guidelines,” sabi ni See.

Ayon kay See, kritikal ang mga susunod na hakbang ng gobyerno.

“As a compromise gesture, either they can suspend in the meantime while the investigation is ongoing, para makita nila na hindi magwa-whitewash ng investigation,” sabi niya.

Tinitiyak naman ng Palasyo sa mga Chinese na hindi nila minamaliit ang insidente, at ginagawa na nila ang lahat para mapanagot ang mga nagkamali.

Kanina, nagkaisa ang bansa para sa national day of mourning na pinanawagan ng Pangulo para sa mga nasawing Hong Kong Chinese nationals. Bawat opisina ng gobyerno sa loob at labas ng bansa naka-half mast ang bawat Bandila.

Sa Bacolod City, sabay-sabay ding nagdasal ang mga empleyado at opisyal bilang bahagi ng pakikiramay. Pia Gutierrez, Patrol ng Pilipino.

08/25/2010 9:33 PMBookmark and Share