Anne Curtis, nag-pole dancing sa Showtime


Kumpleto sa costume at make-up, camera tricks at star cameos nina Toni Gonzaga at Ryan Bang ang production number ni Vhong Navarro.

“Gusto ko kasing gawin ang mga hindi pa nagagawa ng mga sumali sa amin na mga contestants dito sa ‘Showtime,’” sabi ni Vhong.

Hindi naman nagpahuli si Anne Curtis na tumanggap ng standing ovation mula sa audience para sa kanyang samu't saring talento.

Nag-pole at air dancing si Anne, bumirit habang nakabaliktad at lumubog pa sa tubig kasunod ang isa pang birit na may espesyal na taga-hawak ng mic.

“Sobrang happy ako tapos si Jed Madela, na world class champion, taga-hawak ko lang ng mic dito,” ani Anne.

“It’s Anne’s spotlight so I was just there to support. I am a big Anne Curtis fan,” pahayag ni Jed.

Nauna nang nagpakitang gilas ng kanyang talento kahapon si Billy Crawford kasama ang special guest na si Kuya Germs.

Ganon din si Karylle na sinubukang mag-DJ.

Pero bukod sa aliw ng kompetisyon sa pagitan ng hosts, mapupunta sa isang charity ang mapapanalunang premyo sa Sabado.

“Whatever we preach, we have to do it now. This is the time to practice it and it’s really hard,” sabi ni Karylle.

“Para sa amin hindi ito contest. Gusto lang namin magpaligaya ng mga tao,” sabi ni Vhong.

Inaabangan ang mga pasabog na performances bukas nina Vice Ganda at Kuya Kim at ang defending champions na sina Jugs at Teddy sa Biyernes. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino