Charice, makakasama si Mariah Carey at iba pang stars sa NBC event


Patuloy ang buhos ng pagkilala kay Charice matapos siyang bansagang Concert Princess of Asia.

Dahil sa matagumpay na Asian concert tour ng David Foster and Friends, napili naman si Charice sa prestihiyosong christmas tree lighting ng NBC sa November 30 kahilera sina Mariah Carey, Josh Groban, Sheryl Crow, Susan Boyle at iba pang sikat na singer.

“Parang nahulog naman ako sa upuan. Mabigat ang line up eh. Nabigatan ako sa sarili ko parang kailangan ng malupit-lupit na kanta dito. Biritan na ito. Blessings po and thank you. Sobra namang good news at least may bakasyon na nga may good news pa,” ani Charice.

Sabay sa kanyang early Christmas family vacation sa Alfonso, Cavite, nakiisa na rin si Charice sa pagsalubong muli kina Noli de Castro at Korina Sanchez sa Lunes sa TV Patrol, na matagal ding sumubaybay sa bawa't pag-angat ng kanyang karir.

“Mga fans ko po. Sa Facebook ko po talagang doon nila pino-post ang mga news from TV Patrol. Congratulations po sa TV Patrol ang I super can’t wait na makita ang pagbabago sa Monday and abangan niyo rin po lahat iyan so congratulations po,” ani Charice.

Nawindang naman si Charice sa dami ng mga panggagaya sa kanya sa YouTube ng "Telephone" song number niya sa Glee.

“Naloka ako doon sa isa, ‘yung malaki ‘yung Hello Kitty bag. Ay, ang laki ng bag ni ate, in fairness naman talaga sa effort sobrang go, go,” sabi ni Charice.

Pero the original is still the best, kaya bago siya bumalik sa Amerika, inawit muli ni Charice ang Telephone  ni Lady Gaga, a capella para sa manonood ng TV Patrol. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino