Hayden Kho, absuwelto sa sex video case


Pasasalamat na may halong luha ng kaligayan ang nararamdaman ngayon ni Hayden Kho.

Ito’y matapos ibasura ni Judge Rodolfo Bonifacio ng Branch 159 ng Pasig Regional Trial Court ang kasong anti-violence against women and children, na isinampa ng artistang si Katrina Halili laban sa kanya.

Isa at kalahating taon na rin mula nang pumutok ang sex video scandal nina Hayden at ng nakarelasyong si Halili na pinag-ugatan ng kaso.

Ayon sa korte hindi sapat ang ebidensiyang inihain ng kampo ni Katrina.

"There is no victory here again but we just thank the Lord na we can finally move on," sabi ni Hayden.

Habang inabsuwelto ng korte si Hayden sa kasong violence against women and children, idiniin nito na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagkuha at pagkalat ng sex video.

Sa desisyon ni Judge Bonifacio base sa isinagawang ocular inspection sa hotel kung saan kinunan ang sex video, hindi tago ang video camera at puwedeng mapansin.

Kaya naman hindi napaniwala ang korte sa salaysay ni Katrina na hindi nya alam na kinukunan siya ng video.

Pero idiniin ng korte, hindi ito nangangahulugang kinukunsinti ng korte ang pagkuha ng sex video.

Pigil naman ang emosyon ng mga magulang ni Hayden sa desisyon ng korte.

"Simula noong una hanggang matapos 'to, kahit na pagod na pagod ako, kahit puyat na puyat ako, kahit na busy ako, hindi ko siya iniwan," sabi ng ina ni Hayden na si Irene Kho.

"I hope the next good news would be the return for his license," sabi naman ng amang si Dr. Hayden Kho Sr.

Mabigat naman para sa kampo ni Katrina ang hatol ng korte.

Ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Raymund Palad, hindi pag-absuwelto kay Hayden ang naging desisyon ng Pasig RTC. Iaapela nila ito hanggang makamit ang hustisya para kay Katrina. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino