Bayan Patrollers nagreklamo vs atrasadong delivery


Inulan ng reklamo ang Bayan Mo, iPatrol Mo sa umano'y palpak na serbisyo ng Stargate International Cargo.

Ilan sa kanilang reklamo ang pagka-delay ng kanilang package na umabot ng dalawang hanggang apat na buwan bago napasakamay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ang iba, nauna pang umuwi sa Pilipinas kaysa sa ipinadalang package.

Ang pinakamasaklap, meron pang expired na ang ipinadalang pagkain nang dumating ang package.

"Ang reklamo ho ng kapatid ko na nasa Dubai, nagpadala daw siya ng package dito sa Philippines. Ang tagal na. Four months na raw bakit hindi pa nakarating dito," sabi ng Bayan Patroller na nagpakilalang si Judy.

Minabuti ng BMPM na puntahan ang gusali ng forwarding company na inirereklamo ng mga Bayan Patroller para kunan ng pahayag pero tumanggi naman silang humarap sa camera.

Sa pribadong pakikipag-usap sa amin sinabi ng mga staff na 2007 pa sarado na sa Pilipinas ang Stargate International Cargo kaya inilipat na ang mga kliyente ng nasabing kumpanya mula sa UAE sa bago na nitong pangalan na Stargate Express Logistics Incorporated.

Aminado silang nagkaroon ng delay ang pag-deliver nitong Disyembre dahil nagkaroon din ng pagka-antala sa UAE kung saan nangggaling ang balikbayan boxes.

Tiniyak naman nila na bago matapos ang buwang ito ay maipapadala lahat ng naatrasadong balikbayan boxes.

Paalala naman ng Customs sa mga OFWs, siguraduhin na kunin ang mga impormasyon gaya ng contact numbers at address ng forwarding company na inyong padadalhan at agent nito na magre-release sa Pilipinas. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino