Naulila ng 2 OFW sa Lebanon, walang OWWA aid

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

(CORRECTED) Mismong ang OWWA ang naghatid ng masamang balita sa pamilya Concon sa Agusan del Sur na nakasama ang kanilang kaanak na si Juvelyn Concon sa 3 Pinoy na namatay sa gumuhong gusali sa Beirut, Lebanon.

Binisita ng kawani ng OWWA CARAGA Region ang tahanan ng pamilya Concon sa bayan ng Esperanza, Agusan del Sur.

Ayon sa tiyahin ng biktima na si Valentina Concon, nanghihinayang sila sa maagang pagkamatay ni Juvelyn lalo't siya ang inaasahan ng mag-anak na mag-aahon sa kanila sa kahirapan.

Ani Aling Valentina, "Umaasa nga kami na buhay siya."

Linggo ng gabi sa Lebanon nang gumuho ang gusali sa Fassouh Street ng Ashrafieh district.

Saktong may prayer meeting ang grupong God's Divine Love International Ministry na kinabibilangan ni Juvelyn.

Namatay rin sa guho ang kaibigan niyang si Mary Ann Davatos ng La Castellana, Negros Occidental, at isa pang Pinay na si Lucy Bombales.

Ayon sa OWWA, tanging si Concon lamang ang kanilang miyembro at documented OFW na nasawi sa Lebanon, kaya wala raw matatanggap na benepisyo ang pamilya nina Davatos at Bombales.

Paliwanag ni Carmelita Dimzon ng OWWA, "Si Juvelyn kasi is single at ang kanyang family, ang kanyang parents ang magiging benificiary ng P200,000 na death benefit, plus P20,000 burial benefit."

Pero siniguro ng OWWA na tutulungan nila ang pamilya ng 2 nasawing Pinay na maipadala agad sa Pilipinas ang mga labi ng kanilang kaanak.

Ayon naman sa lokal na pahayagan sa Lebanon na Daily Star, magbibigay umano ang Lebanese government ng compensation na USD20,000 o mahigit sa P870,000 sa pamilya ng bawat biktima.

Inaresto na rin ang may-ari ng gumuhong building. Alex Santos, Patrol ng Pilipino

01/18/2012 11:22 PM