EXCL: Iggy, namatay dahil sa multi-organ failure
Bandang alas-11 ng umaga sa London nang itakbo sa ospital si dating Congressman Iggy Arroyo noong Enero 25.
Ayon sa aming source, humihinga ito at maayos pa ang output ng puso bagama’t hindi na rumeresponde sa stimulus, at nanlalamig ang mga extremities.
Pero napakababa na raw ng blood sugar ni Iggy Arroyo, habang mataas naman ang acid level sa kanyang dugo.
Binigyan ng cardiopulmonary resuscitation o CPR si Arroyo ng mga doktor.
Nang makakuha na sila ng pulso ay isinugod na si Arroyo sa ICU at kinabitan ng life support.
Mga bandang alas-11 ng gabi sa London o mag-a-alas-7 ng umaga sa Maynila, sinabihan na umano ng mga doktor si Grace Ibuna at mga kaibigan ng pamilya sa paglala ng kondisyon ni Iggy at maaari raw na hindi na rin magtagal sa gabing iyon.
Mga alas-2:15 ng madaling araw o alas-10:15 ng umaga sa Maynila, tinawag na umano ng mga doktor at narses sina Ibuna upang ipaalam na talagang malala na ang kondisyon ni Arroyo.
Ayon pa sa aming source, hindi raw nila tatanggalin ang anumang pisikal na suporta kay Arroyo pero wala na raw silang magagawa pa.
Alas-2:33 ng madaling araw sa London, alas-10:33 ng umaga sa Maynila, idineklara na umano ng mga doktor na wala na, pumanaw na si Arroyo at testigo rito si Ibuna at dalawang kaibigan.
Mga bandang alas-7:30 ng umaga, o alas-3:30 sa Maynila nang ma-issue ang death certificate ni Arroyo kung saan isinaad na multi-organ failure, sepsis, pneumonia at chronic liver disease ang sanhi ng pagkamatay nito. Gene Alcantara, Europe News Bureau, London
02/01/2012 9:48 PM







