2 Fil-Am na binihag sa Egypt, ikinuwento ang karanasan


Bihira ang bihag na nakapagsasabing masaya ang ma-kidnap. Pero ang 66 na taong Fil-Am na si Patti Ganal Esperanza, naniniwalang kaloob pa ng Diyos ang pagkakadukot sa kanya sa Egypt noong isang linggo.

“I have so much peace in my heart so I know God is going to use me for the sake of these less fortunate people called ‘nomads,’” pagbabahagi ni Patti.

Ang tinutukoy niyang 'nomads' ay ang mga armadong lalaki ng Bedouin tribe sa South Sinai Peninsula.

Pinuno si Patti ng isang Christian pilgrimage na dumadalaw sa mga lugar na nababanggit sa Bibliya. Tatlumpung taon na niyang ginagawa ito.

Pero noong Biyernes, pagkaalis ng kanyang grupo sa St. Catherine Monastery sa Mt. Sinai, hinarang ng mga lalaki ang kanilang tour bus. Kinuha si Patti, ang kanilang Egyptian guide, at ang 63 taong nurse mula sa Union City, California na si Norma Supe.

“They feed us with bread and tea,” sabi ni Norma. “They said, ‘Don't be afraid, we won't hurt you. We treat you like family.’”

Nagpa-ikut-ikot daw sila sa bulubundukin ng South Sinai peninsula. Dito na ginamit ni Patti ang pagkakataon para kausapin ang mga bumihag sa kanya.

“I told him, ‘Do you have a family?’ Instead of them interrogating me, I was interrogating them, actually. He said, ‘I have four children.’ I said, ‘Like me, I have four daughters and I'm a grandma.’”

Pinaliwanag daw ng mga lalaki na kinailangan silang kidnapin para mapilitan ang Egyptian government na pakawalan ang mga kaanak nilang nakapiit.

“I said, ‘That doesn't help. The gun doesn't help. So if you want me to talk to the authorities, I'll be more than happy to speak on your behalf,’” ang kuwento pa ni Patti.

Pagkatapos ng 6 na oras, pinalaya rin sila. Humarap sina Patti sa gobernador ng South Sinai peninsula.

Ikinuwento ang hinaing ng mga bumihag sa kanila at hiniling na bigyan ng security escort ang mga turista roon.

Isang taon nang apektado ang tourism industry ng Egypt dahil sa kaguluhang humantong sa pagkakatanggal ni President Hosni Mubarak.

Nang umalis sina Norma at Patti noong isang linggo, ‘di nila akalaing babalik sila ngayon sa airport na ito na may mga buhay na nabago.

Bukas magbabalik-trabaho sa ospital na ito ang nurse na si Norma, at si Patti, maghahanda para sa susunod na pilgrimage sa Egypt sa isang buwan. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, San Francisco

02/09/2012 10:07 PMBookmark and Share