EXCL: DFA, OWWA tiniyak na may contingency plan para sa mga OFWs sa Lebanon

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Napilitan nang magpadala ng mga tangke ang pamahalaan ng Lebanon sa hilagang bahagi ng kanilang bansa na nadadamay sa nagaganap na bakbakan sa pagitan ng mga puwersang kakampi at kaaway ni Syrian President Bashar Al-Assad.

Magkatabi lang ang Syria at Lebanon na matagal nang magkaalyado.

Dahil sa gulo, nababahala ngayon Ople Foundation para sa mga Pinoy na naroon sa Lebanon.

“Mayroon din kasi sa Lebanon na pro-Assad, anti-Assad. Sila ngayon ang mga mayroon na sagupaan. Paano kung lumala sa Lebanon tapos hindi mo na nga madadala sa Damascus?” sabi ni Susan Ople, pinuno ng Ople Foundation.

Pero ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimsun, mayroon namang contingency plan ang gobyerno sakaling lumala ang sitwasyon.

May 100,000 ang mga overseas Filipino Workers (OFW) doon at karamihan ay mga domestic helpers.

“Sa Lebanon madali namang ilatag iyon at i-implement ng ating embassy,” sabi ni Dimsun.

Tiniyak naman ni Foreign Affairs Undersecretary Rafael Seguis na hindi pa malala ang sitwasyon sa Lebanon.

Gayunman, nakahanda naman daw ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa anumang mangyayari.

Isa si Maricel sa mga Pinay na galing ng Lebanon at Syria.

Nag-aalala na nga raw ang kanyang mga kaibigan sa Lebanon.

“Medyo magulo na, sabi nila,” sabi ni Maricel.

Noong huling nagkagulo sa Lebanon noong 2006, nagsilbing transit point ang Syria sa evacuation ng mga Pinoy doon.

Pero ang problema, sa ngayon ay may gulo na rin sa Syria. Henry Omaga Diaz, Patrol ng Pilipino

06/06/2012 10:32 PM