Pagdurusa ng isang OFW sa Jeddah, kuha sa video


Sa unang sulyap, mistulang ordinaryong kulungan lang ito pero palihim na kuha ang mga ito ng kauuwi lang na run-away OFW na si Louie Castanos.

Nang makulong sa Deportation Center na ito sa Jeddah, Saudi Arabia noong Hulyo, sumuko sa Embahada ng Pilipinas si Louie matapos tumakas sa malupit na employer kaya dinala siya ng embahada sa Deportation Center.

Pero di raw niya inasahang mala-impyerno pala ang pagdaraan sa center. Kahit malaki ang lugar, wala itong bentilasyon kundi ang gate na maaaninag sa video. Ito rin ang gate na nagsisilbing daan papasok sa center.

Walang kahit isang electric fan maski pa summer doon ngayon at sobrang init. Wala rin silang ilaw tuwing gabi. Nagsisiksikan dito ang walong daang iba't ibang lahi na naghihintay ng kanilang visa para makabalik sa kani-kanilang bansa kabilang ang daan-daang run-away OFW na tulad ni Louie.

Karton lang ang kanilang tinutulugan. Tabi-tabi pati basura at gamit kaya naman ang ubo at skin disease, mabilis na kumakalat. Walong CR lang ang halinhinan nilang ginagamit.

"1st 3 days ko talang sobrang depression... Sabi ko pag di ko nilabanan 'to ako ang tinitingnan nilang namumuno.. Pag-nanghina ako, manghihina sila so nilabanan ko iyon although hindi nila alam na sa gabi umiiyak ako sa banyo," kuwento ni Louie.

Ang tubig na inumin, ibinebenta pa raw ng twenty rials kada bote. Pati pagkain, malaking problema rin.

"Kakain ka, gutom na gutom ka na, pagkain mo, nakita mo naman itsura di ba, paano mo kakainin iyon anim kayo sa isang plato parang isinuka ng aso, e obligado kang kainin dahil wala ng ibang darating, iyon lang," pahayag niya.

Kaya naman laking tuwa ni Louie nang makauwi sa Pilipinas noong isang linggo. Nahirapan raw siyang ilusot sa Deportation Center ang kuha niya. Pinilit raw niyang maiuwi ito para makita ng publiko ang pinagdaraanan ng mga run-away OFWs na tulad niya. Kaya nga naluluha pa rin siya sa tuwing naaalaala ang mga naiwan niya sa Saudi.

"Malungkot ako sa mga kaibigan ko, alam ko ang dinadanas nila. Tinitingnan ko iyong mga kasama ko nakakaawa, nakaupo sa gilid umiiyak," kwento niya.

Di naman lingid sa kaalaman ng OWWA ang kundisyon ng mga run-away OFWs sa Saudi. Pero di na raw saklaw ng kanilang kapangyarihan ang regulasyon sa mga deportation center tulad sa Jeddah.

Ayon kay Ed Bellida, Chief ng Advocacy and Social Marketing ng OWWA, “that’s the reason why we have to fast-track, facilitate their deportation repatriation immediately.”

Sang-ayon naman si Louie dito. Babala pa niya, “'pag pinabayaan pa nila ng isang buwan iyong mga taong nakakulong doon, pinakamababa sampung tao baliw uuwi dito.”

Sagot naman ng OWWA, konting tiis lang dahil ginagawa nila ang lahat para mapauwi ang natitira pang run-away OFWs sa Saudi. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino

08/30/2010 11:03 PMBookmark and Share

1 comment

bigyang pansin ang kapwa..

pansinin niyo naman sana ang mga kapwa natin pilipino sa ibang bansa nag durusa at humihingi ng tulong..sa gobyerno nating maka bago ay sana bigyang prioridad ang mag kapwa natin na nasa lugar na walang kinikilalalang Diyos..bago pa mahuli ang lahat.

OWWA please..