Pinoy pumatay ng 3 kababayan sa California
Apat na Pilipino ang kumpirmadong patay sa dalawang karumal-dumal na krimen sa siyudad ng Vallejo at Hercules sa Bay Area, California, tatlo sa kanila mga biktima.
Ang 70- anyos na si Ricardo Sales ay natagpuan ng mga pulis na patay at bugbog sarado sa kanyang tahanan sa Hercules noong Sabado.
Sina Macaria Smart at Segundina Allen naman natagpuan ng mga pulis na nakahandusay at duguan sa tahanan ni Allen sa Vallejo, Huwebes ng umaga.
Ang pang-apat na patay ay ang suspek na si Efren Valdemoro.
Napatay si Valdemoro ng mga pulis Miyerkoles ng gabi matapos ang isang car chase na nauwi sa shootout.
“Two officers encountered him with a large cleaver, in f which he was advised multiple times to drop the weapon. The officers were in fear of their lives, discharged their firearms, and suspect was struck multiple ties, suffered fatal injuries,” pahayag ni Sgt. Trent Cross, tagapagsalita ng California Highway Patrol.
Natagpuan ding patay sa kotse ni Valdemoro ang nobya nito na isang Asyana.
Sabi ng kapitbahay na si Patrick Nicolas, may kakaibang kilos daw si Valdemoro na minsa'y nakakasama niyang mag-basketbol.
Si Valdemoro ay nangungapahan sa bahay ni Allen sa Vallejo na katabi lamang ng bahay ni
Nicolas.
“Sometimes he looks kinda weird, like he is not there. Like sometimes he would just stare at you sometimes,” ani Nicolas.
Dagdag pa ni Nicolas, nakita rin daw niyang nag-aaway palagi si Valdemoro at ang kanyang biktimang si Allen.
Sa Hercules naman, suspek din si Valdemoro sa pagpatay kay Sales dahil kamakailan lamang ay inawat ng mga pulis ang away ng dalawa.
Nagselos umano si Valdemoro kay Sales sa pag-aakalang may relasyon ito sa kanyang kasintahan na si Cindy Tran.
Nawawala naman hanggang ngayon ang anak ni Sales na si Frederick.
“Hangga’t hindi pa nakikita. Hindi pa rin. Wala pa rin kaming peace of mind,” ani Teresita Basbas, kapitbahay ng mga biktima.
Patuloy ang paghahanap ng mga pulis sa nawawalang anak ni Ricardo Sales na si Frederick, pero habang lumilipas ang mga araw, mas lumalalim ang pangamba na matulad siya sa sinapit ng ibang biktima. – Henni Espinosa, Patrol ng Pilipino, Hercules, California
09/03/2010 2:55 AM



