OFW nakalaya mula Saudi sa tulong ng BMPM
Labing-anim na taon mula nang makipagsapalaran sa Saudi Arabia, nitong Biyernes ng umaga lamang nakabalik ng Pilipinas si Marian Silvestre.
Halatang pagod pa sa mahabang biyahe kasama ang mga anak na sa Saudi na ipinanganak at lumaki.
Hindi tulad ng ibang balikbayan, hindi pasalubong ang dala ni Marian, kundi mapait na alaala.
Nakulong siya nang dalawa at kalahating buwan sa Riyadh dahil sa nag-expire na iqama o working permit bilang domestic helper.
Walang sariling damit at pampaligo, at kapos sa pagkain sa piitan.
Higit naman na nag-alala si Marian para sa tatlong anak, na hindi niya nakita mula nang damputin siya.
Labis ang pag-aalala ng asawang si Mauricio Martin, na noong Marso pa bumalik sa Pilipinas nang mag-expire ang working permit niya sa Saudi.
Ang pamangkin niya sa Saudi, sumulat sa Bayan Mo I-Patrol Mo at humiling na matulungan ang mga anak ni Marian na makita ang kanilang ina.
Sa tulong ng Balitang Middle East ng The Filipino Channel, naipahatid ang panawagan para sa tatlong bata.
Naging mabilis daw ang tugon ng mga awtoridad kaya nakalaya si Marian, pero parehong walang naipundar o naipon sina Marian at Mauricio.
Nakikituloy muna sila ngayon sa kapatid ni Marian.
Ayaw na raw nilang bumalik sa Saudi pero hindi pa malaman ng mag-asawa kung paano itataguyod ang buhay sa sariling bayan.
Gayunman, determinado silang magsimula muli ngayong buo na ulit ang kanilang pamilya. – Ryan Chua, Patrol ng Pilipino
09/03/2010 11:39 PM




salamat po
Maraming Maraming salamat po sa inyong lahat lalo na BME Mr.Roland Blanco, Mr. Joseph Espiritu ng Patnubay.com, Ms. Juliet Delos Santos ng BMPM, Sa ating Embahada,DSWD,POLO at sa lahat po ng tumulong sa amin. Mabuhay po kayong lahat at sana po matulungan pa ninyo ang ibang OFW dito sa Gitnang Silangan (riyadh bahay kalinga humigit 200tao pa po ang nasa loob).