OFW nakalusot sa ambang pagiging drug mule


Papaalis na papuntang Paris, France si Dindo, isang OFW, nang kausapin ng kakilalang mag-asawa para magpadala ng pasalubong sa mga kaibigan doon.

Isang pakete ito na puno ng tuyo, itlog na maalat at slimming tea.

Kukunin daw sa kanya ang pakete pagdating sa Paris, pero nang busisiin ni Dindo ang laman ng package ay iba pala ang laman ng slimming tea.

“So ang ginawa ko ginupit ko ang slimming tea ng misis ko at ginupit ko rin ang slimming tea na padala. So pinagkumpara ko sila. [Nadiskubre] ko na pareho silang puti pero bakit may buu-buo? So pumasok sa isip ko na baka ito ay tawas or shabu,” ani Dindo.

Hindi na dinala pa ni Dindo ang package sa Paris at iniwan sa kanyang kapatid sa Laguna.

Dumulog si Dindo sa ABS-CBN Europe para ipaalam sa mga awtoridad ang nangyari.

Agad pumunta ang ABS-CBN sa bahay ng kapatid ni Dindo kasama ang mga Scene of the Crime Office chemists para suriin ang mga pakete.

‘So ‘pag naging blue, ibig sabihin positive iyan. So nakikita ninyo na unti-unti nagiging kulay blue. So positive na shabu ang laman,” anang isang police chemist.

Ikinasa ng Laguna Police Provincial Office ang isang operasyon para matunton ang bahay ng mag-asawang nagpapadala ng pakete.

Nakipagkita ang kapatid ni Dindo sa nagpadala ng package para isauli ito.

Sinundan ng undercover police ang babae.

Makalipas ang ilang araw, sinalakay nila ang bahay sa Barangay Santo Anghel sa Sta. Cruz, Laguna.

Dito nadakip si Czarina Villegas at asawang si Richard Villegas.

Nasabat sa kanila ang ilang sachet ng shabu.

Isang Wilfredo Sinfuego din ang inaresto matapos madiskubre ang isang shabu tiangge sa likod ng bahay ng mga Villegas.

Sinampahan ng kasong drug trafficking ang mga nahuli.

Sa record ng Philippine Drug Enforcement Agency, may 620 na mga OFW ang may kasong drug trafficking sa mga bansa sa Asya, 75 lima dito ay nasintensya na ng bitay.

Paalaala ngayon ng pulis at ng Department of Foreign Affairs, mag-ingat ang mga OFWs sa mga ipinapadalang package. – Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino

09/03/2010 11:23 PMBookmark and Share

2 comments

Pls Check this one

Kuya Gus, I just want to inform you that according to what I have heard sa mga tao here in our place na malaya na ang mag-asawang ito coz nagbayad sa mga pulis ng piyansa amounting to some hundred thousands of pesos. and marami nga po ang nakakakita na malaya na nga ang mga taong ito. Tanong ko lang po, hindi po ba No Bail Recommended ang isang kaso pag tungkol ito sa drugs? Paki-check nman po ang kaso ng mag-asawang ito at baka my mga OFW pa tayong madamay sa mga kalokohan nila.... Thanks po & more power!


xxxxxxx

marami nang pinahirapan ang mga yan kaya dapat sa kanila di na palalabasin ng kulungan.. akalain mo magdudusa ka ng walang kasalanan... mga kabayang paalis ng bansa magingat sa airport,di mo sila kilala pero nakikiusap silang dalhin ang kanilang package..muntik na rin ako nyan...