Pulis California tuloy sa paghahanap sa nawawalang Pinoy
Patuloy ang paghahanap sa nawawalang Pinoy na si Frederick Sales.
Naghukay na ang mga pulis sa isang landfill sa Pittsburgh, California, may 20 milya ang layo sa crime scene sa Hercules.
Si Frederick ay anak ni Ricardo Sales na natagpuang patay sa kanyang bahay noong Biyernes sa Hercules.
Suspek sa pagpatay kay Ricardo ang isa pang Pilipino na si Efren Valdemoro.
Si Valdemoro rin ang suspek sa pagpatay sa 2 pang pilipina at isang Vietnamese na nobya niya.
Naniniwala ang pulisya na patay na rin si Frederick dahil hindi na siya nakita mula pa noong Huwebes.
“"It's a solemn event to be searching here. We do want to find Frederick Solis alive but we also have to follow leads as they come,” ani Michelle Harrington, spokesperson ng Hercules Police.
Umaasa pa rin ang kanyang mga kaibigan na buhay pa si Frederick.
Para makita ang hinahanap, 3,000 tonelada ang basura na susuyurin sa landfill
Sa naturang landfill dinadala ang basura mula sa isang business center kung saan security guard ang suspek na si Valdemoro.
Napatay si Valdemoro Martes ng gabi matapos makipaghabulan sa mga pulis. -- Henni Espinosa, Patrol ng Pilipino, Pittsburgh, California.
09/04/2010 11:29 PM



