9/11 attacks ginunita sa Amerika
Sa paggunita ng 9/11, hindi nananatiling mga numero lamang ang mga nabiktima ng trahedya.
Pinaalala sa lahat ang kanilang mga pangalan at mga kuwento ng kanilang buhay na biglang nawakasan.
Sampung taon, 2,983 nasawi, isang pangyayaring tumatak sa kasaysayan.
Muling nagluksa ang New York kaninang umaga.
Sa pagtitipon sa Ground Zero, inalala ang 9/11 sa pag-alay ng katahimikan sa eksaktong mga oras kung kailan tumama ang mga eroplano sa World Trade Center.
Isa-isa ring binasa ang pangalan ng mga biktima -- mga pangalang nakaukit ngayon sa reflecting pool na inilagay sa dating kinatatayuan ng twin towers.
Para sa ilang mga naulila na ni hindi na nakita ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay, ito na ang pinaka puntod na madadalaw nila.
Sa kabila ng napabalitang banta na baka bombahin ng Al-Qaeda ang paggunitang ito, daan-daan ang sumama sa pagtitipon.
May Pilipinang pulis na dumayo pa mula sa Canada.
“It just really makes you realize how important every little moment life has to appreciate everyone around you,” sabi niya.
May sundalong nais ipaintindi sa kanyang mga anak kung bakit siya sumali ng US army at nakipaglaban sa Iraq.
“America gave us opportunities, freedom and we had to be part of signing up to do something for the country,” sabi ng sundalong si Roel Maloco.
May ina ring nangungulila para sa anak. “I said don't travel too much because it's dangerous. You know what, he said, ‘Mom if you're going to die you cannot stop it.”
Sa loob ng maraming taon ay ikinubli nila ang pagdadalamhati.
Ngayon, pinili nilang lumuha kasama ang isa't isa.
Sila ang mga Pilipinong nawalan ng kaanak sa pagsabog ng World Trade Center.
Ayon kay Dr. Kevin Nadal, inorganisa ang pagtitipong ito para bigyang mukha ang mga Pilipinong nasawi.
“To hear the stories of their own kababayan is something that's a lot more personal and it's something that can really help you understand the pain that people went through,” sabi ni Dr. Nadal.
Gaya ng libu-libo pang nawalan ng mahal sa buhay noong September 11, sinabi nilang ito ay isa lamang sa marami pang tatahakin nilang hakbang tungo sa paghilom. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino, New York
09/12/2011 10:49 PM







