Pinoy food truck sa LA patok!
Isang truck na naglalako ng adobo, tapa at sinangag ang dinudumog ngayon sa Los Angeles, California.
Gabi sa Los Angeles, pero pagkaing pang-almusal ang pinipilahan ng mga tao sa lugar.
Ang pinaka-bagong Pinoy food truck na pinagkakaguluhan: ang “Tapa Boy.”
Kakaiba at takaw-pansin ang gimik -- Pinoy breakfast all day, sa truck na Philippine jeepney ang design.
Ang kanilang motto: "Filipino food on Filipino time."
“Our menu, primarily, is consisting of the traditional Philippine breakfast: tapsilog, tapa, garlic fried rice, fried egg, tocilog, with tocino, longsilog with longanisa. We also do crispy adobo,” ani Lawrence Fama, isa sa mga may-ari ng Tapa Boy.
Halos lahat ng may-ari ng food truck ay mga batang negosyante na nasa edad 30.
Ipinanganak sila sa Pilipinas at bawa't isa ay nagbigay ng recipe mula sa kani-kanilang pamilya.
Inabot ng ilang daang libong dolyar ang kanilang kapital pero kung tuluy-tuloy ang tagumpay na tinatamasa nila ngayon, malamang daw na mabawi rin nila ito sa loob ng isang taon.
Maging ang mga Pilipinong nasa malalayong lugar sa southern California ay dumayo para tikman ang tapsilog at iba pa nilang pagkain.
Maging ang mga Fil-Am celebrities na nakatira sa Los Angeles na sina G Toengi, Victoria Recano at Manny On the Streetz ay nakipila kasama ang ibang kababayan para matikman ang pagkaing Pinoy at suportahan ang negosyo ng kapwa Pilipino.
"I got the tapsilog. I also got the longganisa, which was awesome. I had three bowls already," ani Manny On the Streetz.
May iba pang mga Filipino food trucks sa Los Angeles tulad ng "Manila Machine" at "White Rabbit" na popular kahit sa mga hindi Pilipino.
Ang "Bipop's Kabob" naman ay isang family owned food truck na nagtitinda sa mga suburban offices at Pinoy events.
Dahil sa kanilang popularidad, ito raw ang "summer of Filipino food trucks" ayon sa mga food experts. – Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles
09/21/2010 9:18 PM







