Ilang Pinoy, idinaan sa Internet ang Valentine message


Sa social networking site na Twitter niyaya ni Philippine Azkals striker Phil Younghusband si Angel Locsin ng Valentine’s date.

Tinanggihan din siya ni Angel sa Twitter at sinabing sa ibang araw na lang.

Ngayong Valentine’s Day, sa high-tech na paraan na rin idinadaan ng mga Pinoy ang kanilang pagmamahal.

Si George Tujan, gumamit ng Google calendar, para kada oras ay makatanggap ng sweet na mensahe ang kanyang nobya sa cell phone.

Si Kyle naman, nagpadala ng e-greeting card at nag-order ng bulaklak sa Internet para sa nobyang nasa ibang bansa.

Si Kristina Adosto naman, nagsulat ng madamdaming mensahe sa kanyang blog post para sa mister.

Natuloy naman ang engagement nina Alan Agrao na nasa Korea at Glenda Cabral na nasa Japan sa pamamagitan ng Facebook.

Para sa relationship at parenting expert na si Maribel Dionisio, hindi lang dapat sa teknolohiya umaasa para iparamdam ang pagmamahal.

"Hindi puwedeng itabi or ibalewala iyong face-to-face interaction kasi ang tao nagbabago talaga at iba 'yung sinasabi ng tao, iba 'yung nakikita mo sa katawan niya at mata niya," aniya.

Ayon pa kay Dionisio, mahalagang nagkikita pa rin  at nag-uusap ang magkasintahan o mag-asawa. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino