Sintomas ng Internet addiction, inilahad ng eksperto


Pagkatapos ng klase, sa Internet cafe agad dumidiretso ang 15 anyos na si Jason.

 “Dalawang beses lang po ako naglalaro, siguro 4 hours po,” sabi ni Jason.

Gaya ng iba pang mga bata, inililihim ni Jason sa kanyang magulang ang paglalagi sa Internet shop.

“Medyo pinapagalitan na po ako minsan kasi wala naman daw po akong nakukuha dito,” dagdag pa ni Jason.

Ayon sa kilalang child psychologist na si Dr. Honey Carandang, ang ipinapakita ni Jason ay posibleng sintomas na ng Internet addiction.   

Bukod sa mababang grado, ang isang Internet addict ay madalas walang ganang kumain, kulang sa tulog, madaling mapagod at hindi mapakali hanggat hindi nakaharap sa computer.

Oras na mapansin ito ng mga magulang sa mga anak, ayon kay Dr. Carandang ay hindi dapat basta-basta pagalitan ang bata.

“Talk first to your child which shows na nirespeto mo siya, tinanong mo muna siya tapos inalam mo sa kanyang point of view kung ano ang nangyayari,” paliwanag ni Dr. Carandang.

Kadalasan kasi ay may problema sa bahay at eskwelahan ang mga nagiging adik sa Internet.

“Baka naman nangyayari iyon kasi puro away sa pamilya, nag-e-escape na lang siya sa Internet or nire-reject siya sa school. Marami ring causes that may push them,” dagdag pa ni Dr. Carandang.

Importante rin, ayon kay Dr. Carandang, na magkaagapay ang mga magulang, eskwelahan at lokal na pamahalaan para malabanan ang adiksyon ng mga bata sa Internet. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino