Capt. Brooke Castillo: unang Pinay na piloto ng commercial jet sa Pilipinas
Ilang beses nang naabot ni Captain Brooke Castillo ang langit.
Magdadalawampung taon na siyang nagpapalipad ng eroplano kahit Business Administration ang natapos ni Brooke sa UP.
Sabi niya, hindi niya inakalang magiging piloto siya.
“Sinamahan ko ang friend ko and then I took the exam. I passed,” sani ni Castillo.
Hindi raw naging hadlang ang pagiging babae ni Brooke sa propesyong kilalang panlalaki.
“Minsan nauuna sa atin ang takot na baka ma-discriminate tayo. Huwag ka basta-basta masindak sa mga ganoong klaseng bagay,” sabi ni Castillo.
Ayon kay Brooke, ang importante ay pagiging matiyaga.
Papunta kami ngayon ng Cagayan de Oro.
Tila pangkaraniwang flight lang ito ng Cebu Pacific. Lingid sa kaalaman ng mga pasahero, ang kapitan ng eroplano ay ang kauna-unahang babaeng commercial jet pilot sa bansa.
Taong 1996 unang nagpalipad si Brooke ng commercial jet.
Hindi lamang sa ere nagtagumpay si Brooke.
Mahilig siya sa sports tulad ng basketball at bowling at dating miyembro ng Taekwondo National Team.
Para sa kanya, iba pa rin daw talaga ang pakiramdam kapag nagpapalipad siya ng eroplano.
“Parang destined ako. Baka may purpose ako to be here,” sabi ni Castillo.
Flight instructor rin si Brooke ng Cebu Pacific.
Ngayon may 14 na babaeng piloto na ang airline.
Kapag day-off ni Brooke, abala siya sa pag-o-organisa ng malaking homecoming reunion ng St. Scholastica's College sa susunod na taon.
Single pa si Brooke at ang tipo raw niyang lalaki: “Gusto ko confident pero hindi mayabang.”
Tila ganito rin si Brooke - mataas ang lipad pero nakatapak pa rin sa lupa. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino







