Mag-amang Pinoy wagi sa Food Network reality show


Nagbida ang mag-amang Pilipino, pati na ang lasang Pinoy sa reality show na "24-Hour Restaurant Battle” sa Food Network.

Ang hamon - magtayo ng tunay na restaurant na may panalong menu sa loob ng 24 oras at dapat itong makahikayat ng mga customer.

General-manager sa isang restaurant si Andrew Dizon at postal worker naman ang ama niyang si Ladd

Sanay magluto para sa pamilya ang mag-ama na taga Teaneck, New Jersey, pero malaking hamon ang magluto para sa 75 tao at televised pa.

Tinawag nilang “Noy” ang kanilang restaurant. Ang menu: oxtail kare-kare, beef lengua, ampalayang may hipon, lumpia ang pampagana at banana turon at ice cream ang panghimagas.

Sabi ng mga judge masyadong ethnic o banyaga ang mga pagkaing niluto ng mag-amang Dizon
at baka hindi mag-click sa mga Amerikano.
 
Sa simula, tinangkilik ng mga customer ang kanilang kalaban -- ang magkaibigang chef na vegetarian restaurant ang pambato.
 
Pero nang lumaon, naakit ang mga customer sa lumpia sampler ng mga Pinoy.

Sa huli, ang Pilipinong menu, serbisyo at itsura ng restaurant ang nagpanalo sa kanila.

Nagwagi ng $10,000 ang mag amang Andrew at Ladd, pero mas mahalaga raw para sa kanila ang karanasang lalong nagpalapit sa kanilang buong pamilya. – Ging Reyes, Patrol ng Pilipino

09/03/2010 2:15 AMBookmark and Share

1 comment

Mabuhay kayo KABAYAN

Ikinararangal namin ang mga katulad niyong nag dadala ng karangalan para sa ating bansa at lahi. Kahit nasa ibayong dagat man kayo di nyo pa rin nakakalimutan ang ating kultura at ipinagmamalaki pa ito sa ano mang pamamaraan. Maligayang bati at masaganang pag luluto !!!
Masarap nga tiyak ang kare-kareng ox tail at Lumpiang may ice cream!! Mabuhay ang Pilipino. Sana patuloy kayong umunlad at kumalinga sa ating bansang Pilipinas!