Iba’t-ibang Santa Claus, tampok sa Christmas Factory


Para sa maraming bata, hindi kumpleto ang Pasko kapag walang Santa Claus. Kaya ngayon pa lang, marami na ang namimili sa tindahang ito na kilala sa paggawa ng lahat ng uri ng Santa.

Kung karaniwang naka-pula at mataba si Santa, dito makakahanap ka ng patpating bersyon. Mayroon ding kulay blue, gold at violet.

“Every year we have to develop new designs, new colors para yung aming mga customers, matutuwa sila sa makukuha nila,” ayon kay Tony Boy Santos na may-ari ng Christmas Factory.

Patok sina lolo at lola o Mr. at Mrs. Claus. Astig naman ang dating ng Santa na naka-motorsiklo. Nakakatuwa rin ang dinner set na kasama ni Santa ang kanyang elves.

P 50 lang ang mga Santa magnet. P 50 hanggang P 75 ang mga sinasabit.

Imahinasyon lang ang kailangan at voila, may Santa chandelier ka na.

Ang mga Santa candy bowl naman ay mabibili mula halagang P 100.

“Pagpasok ng mga customers dito, mararamdaman mo na ang spirit of Christmas,” dagdag pa ni Santos.

Pagkatapos mag-shopping, pwede kayong magpaalam sa may-ari na makita ang kuwartong ito kung sann naka-display ang iba’t-ibang koleksyon nila ng Santa Claus.

Parang Santa Claus musuem ang lugar, kung saan makikita ang mahigit 2,000 Santa figures. Hindi ipinagbibili ang pambihirang koleksyon at naka-display ito sa buong taon. Nina Corpuz, Patrol ng Pilipino.