'First aid puwede nang walang high-tech na gamit'


Marami ang nabahala sa YouTube video ng 2 menor de edad na buhay pa pala, pero dinaan-daanan lang ng mga pulis at guwardya habang naghihintay ng medical team.

Mas nakakabahala ang deklarasyon kahapon ng PNP na patakaran nila na bawal sa pulis na gumalaw ng sugatan.

Paano kaya kung mangyari ulit ito?

Sa araw-araw puwedeng mangyari ‘yon sa 'yo at sa akin, ‘yung makadaan na may eksena na may pinagkakaguluhan, tapos meron namang sugatan sa isang eskinita.

Sinubukan naming i-recreate ‘yung eksena sa tulong nitong si Dr. Ted Esguerra.

Jorge: “Doc, anong puwede mong gawin kung ikaw, karaniwang tao wala kang dalang equipment?”

Dr. Esguerra: “Ang unang gawin mo ay tumingin ka sa paligid mo kung ano ang puwedeng gamitin. Katulad ako, nagbabasa ng diyaryo, kumakain. Aking lalapitan siya, titignan ko at hihingi ako ng tulong.”

Dahil maraming usisero, humingi siya ng tuwalya sa isang residente.

Pati plastic ng kinakain niya, ginamit sa pagpigil ng dugo sa sugat sa leeg.

Kahit ang diyaryo na kanina'y hawak niya, ginamit pampaampat sa dumudugong sugat.

Ang lahat ay ginawa ng walang high-tech equipment at hindi inaalis ang biktima sa kinalalagyan niya.

Paliwanag ni Dr. Ted Esguerra, “Hindi kailangan high-end training. Ang dugo, simple. Ito, kukunin ko si boy scout, dumudugo ako. Okay boy scout, hawakan mo, hawakan mong madiin. Tingnan mo, hinawakan niya ako nang madiin, mahirap ba ‘yon? Naiintindihan niya.”

Nang dumating ang medical team, saka pa lang ginalaw ang biktima at inayos ng mga taong may alam sa emergency medicine.

Kapag ganitong meron nang emergency medical responder, puwede nang hindi mo pakialaman kung sino man ‘yung taong nasugatan, pero at least, nabigyan mo na ng malasakit. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino