Mga Pinoy sa HK ramdam ang galit ng mga residente


Nakakahiya… Nakakailang… Nakakatakot maging Pilipino ngayon sa Hong Kong.

Ilan lamang ito sa mga naihayag na sentimyento ng ilan nating mga kababayang napagbubuntunan ngayon ng sisi sa dating British Crown Colony dalawang araw matapos ang madugong hostage crisis na kumitil sa buhay ng 5 Hong Kong Chinese at 3 Canadian citizens sa Maynila.

"Sa isang shop, tinanong kami kung Pilipina kami. Sabi namin, oo, tapos sabi sa amin, ang mga pulis sa Pilipinas garbage... natatakot na kami sa mga Chinese," sabi ng isang Filipino domestic helper.
 
"Nakakahiya kasi siyempre parang ano ba naman iyong ginawa ng mga pulis natin tapos si President Noynoy imbes na mag-apologize nag-compare pa sa nangyari sa Russia na di daw kasing lala. Ano ba iyon. Insensitive," sabi ni Regilda Ramos, isa pang Pilipino sa Hong Kong.
 
Sa nakalap na sumbong ng Migrante, dalawang DH na ang tinanggal sa trabaho sa inis ng kanilang amo sa mga Pilipino.

May mga sumbong din na nakaabot sa kanila sa text (message) ukol sa isang Pinay na namura sa tren o nasungitan dahil kayumanggi ang kulay ng kanilang balat.

"Sabi dito iyong tinutulungan namin sa may pinagmamalupitan nang dati pa ay lalo pang napagmamalupitan ngayon," ayon sa isang text message na natanggap ni Dolores Balladares ng Unifil-Migrante Hong Kong.
 
Sa tanggapan ng Philippine Consulate kanina, umiiyak na humingi ng paumanhin si Vice Consul Joy Banagudos sa mga Chinese protesters.

Ito ang ikalawang araw na sinusugod ang konsulada sa gitna ng pagdadalamhati ng mga residente dito sa sinapit ng kanilang mga kababayan sa kamay ng isang naghuramentadong Pilipino.

Naging biruan na ng ilang Pilipinong nakapanayam namin dito sa Hong Kong ang babalang kung kayumanggi ang iyong balat, ‘di dapat maglakad sa shopping district ng Mongkok kung ayaw mong masabuyan ng asido. Isang birong sabay pinagtatawananat pinangangambahan.

Sa ngayon mahigpit na binabantayan ng konsulado ang sitwasyon ng ating mga kababayan dito sa pag-asang huwag naman sanang magkatotoo ang masamang birong ito. Nadia Trinidad Patrol ng Pilipino, Hong Kong.

08/25/2010 9:30 PMBookmark and Share