High-tech ID system sa paaralan, patok sa mga magulang


Mabagal ang pila papasok sa high school department ng Marikina Catholic School tuwing umaga dahil kailangan pang dumaan sa ID scanner ng mga estudyante.

Pagpasok ni Geraldine Cruz sa eskuwelahan, siya namang pagtanggap ng text message ng kanyang ina na nasa bahay.

Ipinapaalam ng eskuwelahan na nasa campus na si Geraldine sa oras na 6:44 ng umaga.

Bahagi ito ng ID system na ipinapairal ng Marikina Catholic School sa kanilang high school students.

Bistado rin kung late dumating sa campus ang bata!

“Matutulungan namin ang mga magulang to monitor their children. Lalo na sa high school maraming pagkakataon na ang mga bata ay nagka-cut ng class. Umuuwi ng maaga o umuuwi ng gabi,” ani Andlen Go, head ng management information system ng eskuwelahan.

Lalabas din sa monitor ang mukha ng mga estudyante para matiyak ng eskuwelahan kung estudyante nga nila ang gumagamit ng ID.

Dalawang taon na ang sistemang ito ng Marikina Catholic School bilang karagdagang seguridad para sa mga estudyante.

Bukod sa attendance, naiti-text din sa mga magulang kung kanselado ang klase o anumang anunsyo ng paaralan. – Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino

08/13/2010 11:14 PMBookmark and Share