EXCLUSIVE: Paggamit ng PCOS machines sa ARMM polls pinag-iisipan ng Comelec
Pitong buwan na lang, eleksyon na naman sa Autonomous Region in Muslim Mindanao kung saan puno ng karahasan, pananakot at dayaan ang mga nakaraang halalan.
Hanggang ngayon, wala pang desisyon ang Commission on Elections (Comelec) kung anong klaseng makina ang gagamitin sa ARMM elections.
Sabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., na kauupo lang sa puwesto kahapon, posibleng bilhin ng Comelec ang mga PCOS machines ng Smartmatic na ginamit noong 2010 elections.
"Yes naman, palagay ko naman, because wine-weigh ko na 'yan nu'ng binabasa ko iyong records. Ang tingin ko it would be more expensive to go into a new bidding," ani Brillantes.
Bukod dito, sabi ng isang source na pamilyar sa proseso ng automation, wala na ring panahon para pumili ng bagong makina dahil aabutin ng isang taon para sa sari-saring testing.
Sabi naman ng isang source sa Comelec, ilang beses itong nasa agenda ng en banc noong isang taon pero laging ayaw pag-usapan ng ilang commissioner.
Binatikos ang mga PCOS machine ng Smartmatic noong 2010 elections dahil pumalya ang CF cards nito ilang araw bago ang halalan.
Kinukuwestiyon din ang ilang resulta ng pagbibilang ng PCOS machine.
Medyo asiwa naman ang sitwasyon ngayon ni Brillantes sa isyu ng pagbili ng PCOS machines ng Smartmatic.
Pinsan kasi ng law partner ni Brillantes ang isang opisyal ng kumpanya.
"In fact ako nga, I've a case against the Smartmatic na hina-handle nu'ng law office," dagdag niya.
Hindi pa masabi ni Brillantes kung kasama siyang magdedesisyon sa pagbili ng Smartmatic PCOS machines. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino
01/19/2011 12:20 AM







