POEA: Nurses at nursing aides, madalas mabiktima ng illegal recruiters


Nababahala ang mga samahan ng mga nars sa bansa dahil sa dumaraming sumbong mula sa mga nars na nabibiktima ng illegal recruitment.

Nitong nakalipas na linggo lang, 50 Pinoy nars ang dumulog sa ABS-CBN Europe News Bureau. Tinakbuhan daw sila ng recruiter matapos silang magbayad ng malaking halaga.

"Ang suweldo hindi rin akma doon sa sinasabi. Nababaon sila sa utang kaya hindi sila makauwi sa Pilipinas," ani Alvin Cloyd Dakis, presidente ng
Alliance of Young Nurse Leaders and Advocates.

Sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration, pasok ang nurses at nursing aides sa top 10 na madalas mabiktima ng illegal recruiters.

Nangunguna ang factory workers, domestic helpers, hotel and food workers at caregivers.

Sabi ng Philippine Nurses Association, dahil na rin ito sa over-supply ng mga nars.

May 80,000 nars taun-taon ang pumapasa sa board pero wala namang mapasukan sa Pilipinas.

"Ang iba ay napipilitan na lang maghanap ng non-nursing na trabaho," sabi ni Maris Abenojar, executive director ng PNA.

Para hindi maloko, dapat alamin sa POEA kung lisensiyado ang recruiter at kung may job order para sa nars. I-research ang background ng recruiter at kung ano ang sitwasyon ng mga nars sa bansang pupuntahan.

"Ang maximum na dapat hingin sa kanila ay isang buwan lamang na sahod bilang placement fee," ani Atty. Celso Hernandez Jr., officer-in-charge ng Operations and Surveillance Division ng POEA.

Kabilang sa mga pangunahing destinasyon ng mga Pinoy nars ang Saudi Arabia, Singapore at United Arab Emirates.

Sabi ng POEA, importante na huwag makipag-areglo ang mga biktima at isumbong sa kanila ang mga illegal recrutier para maparusahan ang mga ito at hindi na makapambiktima pa. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino