PNoy sinibak si Gatdula mula sa NBI


Nilabas na ng Department of Justice (DOJ) ang resulta ng imbestigasyon ng fact-finding panel sa umano’y pag-kidnap at pangingikil sa Japanese na si Noriyo Ohara ng mga opisyal at ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nanguna sa pinapapanagot ang mismong direktor ng NBI na si Magtanggol Gatdula.

Ayon sa fact-finding panel na pinangunahan ni Undersecretary Francisco Baraan, alam ni Gatdula ang iligal na operasyon ng NBI Security Management Division (SMD) na dukutin ang undocumented Japanese alien noong Oktubre 29 mula sa bahay ng Pinoy foster parents niya sa Pangasinan.

Nakinabang din daw siya sa ransom money.

January 11 isinumite ni Justice Secretary Leila de Lima kay Pangulong Aquino ang resulta ng imbestigasyon.

Kahapon naman nagdesisyon ang Pangulong sibakin ang kanyang appointee.

“The President is replacing him. He need not wait for the actual filing of charges in order to do that because remember, the director is a presidential appointee. Unless protected by a CESO eligibility, he may be removed anytime. The ground there is loss of trust,” sabi ni de Lima.

Inirekomenda rin ng panel na sumailalim si Gatdula sa preliminary investigation para sa kasong kidnapping and serious illegal detention.

Pinasasampahan din siya ng mga kasong administratibo lalo’t sinuway daw niya ang utos ni de Lima na i-turn over sa immigration si Ohara.

Pero pinapa-review muna ni de Lima sa panel ang criminal findings laban kay Gatdula.

“I just want to be very sure given the rank, the status of Director Gatdula, is it through direct participation or is it an accessory or is it something else like for example an obstruction of justice,” sabi ni de Lima.

Ayon sa Malacañang, patunay ang pagkakasibak kay Gatdula na hindi lang sa nagdaang administrasyon naghahabol si Pangulong Aquino kundi pati sa mga kaalyadong magkakamali sa serbisyo.

“The President has always viewed accountability as [objectively] as possible. Wala pong pinipili iyan. Hindi lang po doon sa sinasabi nilang nakaraan," sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Inirekomenda rin ng DOJ na sumailalim sa preliminary investigation para sa kidnapping and serious illegal detention, grave coercion at robbery ang dating hepe ng SMD na si Special Investigator Mario Garcia na umano’y nag-utos sa operasyon, humingi at nakinabang sa ransom money at nanguna sa pagkuha ng personal na mga gamit ni Ohara. Ina Reformina, Patrol ng Pilipino

01/19/2012 10:37 PMBookmark and Share