Anak nakiusap para sa maayos na libing ni Iggy
Wala na sanang balak humarap sa media sina Grace Ibuna at ang anak ni Iggy Arroyo na si Bianca.
Huminto na rin silang makibalita sa TV at pahayagan kaugnay ng patuloy na mga pasaring na binibitawan ng ilang grupo mula Maynila.
Sa halip na sit-down interview, minabuti ni Bianca na magbigay na lamang ng maikling statement na ibinahagi lamang niya eksklusibo sa ABS-CBN Europe News Bureau.
Naroon si Garie Concepcion para bigyan ng moral support si Bianca habang binabasa ang statement.
Si Garie ay anak ni Grace Ibuna kay Gabby Concepcion, at si Bianca, anak ni Iggy sa unang asawa na si Marilyn Jacinto.
Bahagi ng statement ni Bianca ay ang panawagan na wala munang gulo at bigyan ang kanyang ama ng maayos na burol at libing pagbalik sa Maynila.
“Nakikiusap po ako na payagan niyo po kami at ang aking pamilya na ilibing ang tatay ko nang mahusay,” panawagan ni Bianca Arroyo. “Hindi lang ang tatay ko ang nawala sa akin. I lost my best friend – the one person in my life that I knew would love me unconditionally.”
Malaking epekto kay Bianca ang pagkawala ng ama dahil siya daw ay daddy’s girl.
“He always told me, ‘Don’t cry, save your tears for when I die,’” dagdag pa nito.
Ayaw pang idetalye ni Bianca ang funeral at repatriation plans.
Sa unang pagkakataon, humarap si Grace sa camera na halatang namumugto pa ang mga mata dahil daw kulang sa tulog at laging umiiyak.
Pinayuhan na siya ng mga doktor na kumain at matulog nang mabuti dahil sa pangamba na magkaroon daw ito ng nervous breakdown.
Taggap na nina Bianca at Grace na malaking hamon at responsibilidad ang kakaharapin nila pagbalik Maynila. Kasama si Jomel Gutierrez, Danny Buenafe, Patrol ng Pilipino, London
02/01/2012 9:12 PM







