Bank exec, tumangging buksan ang umano'y account ni Corona


Iginiit ni PS Bank president Pascual Garcia III na sa ilalim ng batas, hindi puwedeng buksan ang anumang foreign currency account kung walang pahintulot ng depositor.

Sa hearing kanina, tumanggi rin siyang magbigay ng ibang detalye tungkol sa bank accounts ni Chief Justice Renato Corona na aniya'y hindi hinihingi sa subpoena.

Sa muling pagsalang ni Garcia sa witness stand, mga senador naman ang nagtanong tungkol sa mga account ni Chief Justice Renato Corona sa bangkong pinamumunuan niya.

Pero bukod sa mga detalyeng ibinigay niya kahapon tungkol sa year-end balance ng mga account, tikom na ang bibig niya.

Sen. Franklin Drilon: “What was the starting balance in 089121020122, which was opened in 2009?”

Garcia: “I have no information as of now and I do believe it's not covered by the subpoena.”

Drilon: “Can you please stop making your own opinions? Can you bring the information of the opening amount of 089121020122 in the next hearing?”

Garcia: “Your Honor, we will bring the documents that we are instructed formally by this court via subpoena.”

Drilon: “May I request... This witness, Your Honor, is a little smarter than what we think.”

Ayon kay Presiding Officer Juan Ponce Enrile, ipina-subpoena ang records tungkol sa opening amount ng mga bank account ni Corona, bukod sa year-end balance ng mga ito.

Nagpasiya ang impeachment court na pabuksan ito sa susunod na pagdinig at ipatawag ang manager ng PS Bank branch sa Katipunan Avenue.

Ipina-subpoena rin ang record ng iba pang deposit instrument ni Corona sa PSBank tulad ng time deposit.

Nang tanungin naman tungkol sa dollar accounts ng punong mahistrado, iginiit ni Garcia na bawal itong buksan kung walang permiso ng may-ari. Base na rin ito sa Foreign Currency Deposit Act.

Tanong naman ng isang senador sa depensa: Papayag kaya si Corona na pabuksan ang dollar accounts niya?

Ayon kay retired Justice Serafin Cuevas, “I am inclined to believe that the Chief Justice may not give his consent because he's questioning the validity of all these proceedings.”

Naungkat din kung saan nanggaling ang record ng umano'y dollar account ni Corona na nakarating sa prosekusyon at isinama pa nila sa request for subpoena.

Inamin ni Garcia na may ganoong bank account sa PS Bank, pero itinangging sa kanila nanggaling ang dokumento na posible raw na peke.

Sen. Juan Ponce Enrile: “This court is in possession of information regarding this leakage, and in fact the Bangko Sentral ng Pilipinas is now conducting an investigation regarding this leakage.”

Garcia: “Documents that were floating around did not come from the bank.”

Enrile: “Where will it come from then? From heaven?”

Garcia: “I have no idea, Your Honor.”

Posible namang kasuhan ng depensa ang mga may kinalaman sa pagsasapubliko ng record ng umano'y dollar account ni Corona, kabilang ang ilang miyembro mismo ng prosekusyon.

Ngayong may TRO na, hiniling ni Senador Enrile sa mga kapwa senator-judge, sa prosekusyon at sa depensa na huwag na munang pag-usapan ang kahit anong bagay na may kinalaman sa dollar accounts umano ni Chief Justice Corona.

Samantala, tumestigo rin kanina ang manager ng BPI Ayala Branch na si Leonor Dizon.

Ayon sa kanya, noong 2005, mayroong ending balance si Corona doon na P149,767.36.

Noong 2006: P153, 395.12

Noong 2007: P5,069,711.18

Noong 2008: P1,525,872.87

Noong 2009: P678,501.83

Noong 2010: P12,024,067.70

Hiniling ng depensa, at pinayagan sila ng impeachment court, na ipa-subpoena ang monthly statements ni Corona sa bangko para patunayan na hindi isang bagsakan lang ang year-end balances ng account, lalo na yung P12 million noong 2010.

02/09/2012 9:31 PMBookmark and Share