Corona: Inalok akong makipag-'term-sharing' kay Carpio

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Iginiit ng mga abogado ni Chief Justice Renato Corona na matibay ang kanilang ebidensya na pag-aari ng kumpanya ng kanyang misis na si Cristina ang perang nasa mga bank account ni Chief Justice Corona.

Hindi raw ito nakaw na yaman ni Chief Justice at walang iligal dito.

“Kung ano ang representations niya roon, kung ano ang participation niya, kung administrator po ba siya o owner na po siya, makikita po natin iyan sa tamang panahon,” sabi ni Tranquil Salvador, abogado ni Chief Justice Corona.

Pero may sariling pasabog ang punong mahistrado.

Sa panayam ng programang Karambola sa DWIZ, ibinunyag niyang July 2010 pa lang ay nagmiting na diumano sila ni Pangulong Aquino sa bahay ng kapatid ni PNoy na si Ballsy.

Kinonsulta raw siya ni PNoy ukol sa Truth Commission.

Pinayuhan daw ni Chief Justice Corona ang Pangulo na amyendahan ang ilang probisyon ng executive order dahil nilalabag nito ang Konstitusyon.

“Tinatanong niya sa akin ‘Ano bang tingin mo kung ako ay magtatag ng Truth Commission?’ Sabi ko, kami naman po Mr. President, even at the time naisnab na niya ako sa Luneta, kung may ebidensya okay tuluyan natin pero kailangan po sumunod tayo sa Saligang Batas,” sabi ni Corona.

Sinabi rin ni Corona sa panayam na bago siya ma-impeach sa Kongreso noong 2011 ay nakipagmiting naman sa kanya si Senador Teofisto Guingona III ukol sa posibleng "term-sharing" ni Corona kay Justice Antonio Carpio bilang punong mahistrado.

Sabi ni Corona, tinanong siya ni Guingona kung papayag itong magretiro nang maaga para maibigay na kay Carpio ang posisyon.

Pero tumanggi raw si Corona dahil may fixed term ang kanyang appointment.

Isa si Carpio sa mga nauna nang tinukoy ni Corona bilang nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya.

“What do you think about retiring early and sharing your term? He named it specifically. Sinabi niya Justice Carpio. Ang sabi ko sa kanya, labag yata sa Constitution iyan,” sabi ni Corona.

Bagama't umamin si Guingona na nag-usap sila ni Corona, itinanggi niya ang alegasyon ni Corona ukol sa term-sharing.

Ang Malacañang naman, kinumpirma rin ang miting ni PNoy at Corona noong 2010 pero itinangging kinonsulta ni Aquino si Corona tungkol sa Truth Commission.

Dagdag pa ng Palasyo, gusto raw kasi ni PNoy na bigyan si Corona ng pagkakataon para patunayang wala siyang kikilingan sa anumang kaso maging ang mga kaso laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.

“Isinantabi ng Pangulong Aquino ang anumang agam-agam niya kay Ginoong Corona,” sabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda.

Sabi pa ni Lacierda, sadyang inililihis ni Corona ang publiko sa kanyang mga panayam sa pamamagitan ng paglalagay ng malisya sa nangyaring meeting. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino

03/08/2012 10:19 PM