Ang TV Patrol sa loob ng 25 taon

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Dalawampu't limang taon na ang nagdaan nang unang tumambad sa mga tahanan ng pamilyang Pilipino ang TV Patrol.

Kakaiba ang newscast.

Ang lakas ng dating mula sa pagbabasa, mga istorya at mga larawang ipinapakita.

Para kang nanonood ng mga balitang nababasa sa mga tabloid.

Iyan mismo ang konsepto sa likod ng TV Patrol.

Isinulong ito ni Freddie Garcia, marketing genius na naging presidente ng ABS-CBN.

“It was a huge success from the very start because we gave them what they wanted,” sabi ni Garcia.

Unang sumalang na mga anchor ng TV Patrol sina Mel Tiangco, ang yumaong Frankie "Ka Kiko" Evangelista, Angelique Lazo at Kabayang Noli de Castro.

“Ang format namin noon tabloid on television. Inisip ko lang, tatanggapin kaya ang mukha ko?” sabi ni de Castro.

Anuman ang pangamba noon ni Kabayan ay napawi dahil nag-click sa masa ang formula.

Kumpletos rekados sa mga istoryang pambansa, krimen, showbiz, public service, opinyon at balitaktakan.

Bukod sa ratings, malaking hatak din ito sa mga advertiser.

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang newscast ang naging flagship program ng isang television network.

Mahigit isang dekadang naghari sa ratings ang TV Patrol, naihatid ang mga hindi malilimutang kuwento at pangyayaring bahagi na ng kasaysayan ng bansa.

Subalit may mga hamong sumubok sa katatagan ng programa, kaya bagong bihis at bagong oryentasyon ang TV Patrol.

Mas maikli ang oras pero mas marami, mas siksik at mas mabilis ang pagbabalita.

Si Kabayang Noli de Castro ang naging solong mukha at tinig ng TV Patrol.

Umalis sandali si Kabayan para magsilbi sa pulitika.

Sa pagdaan pa ng mga taon, nagpapalit-palit ng bihis at anchor ang TV Patrol.

Mas lumawak ang pagpapatrol sa iba't ibang bahagi ng mundo.

Nabigyan din ng direktang tinig ang taumbayan sa Citizen Patrol at Boto Mo, Ipatrol Mo.

Sa pagbabalik ni Kabayan, binuo ang powerhouse anchor team kasama sina Korina Sanchez at Ted Failon.

Sila ang mukha at tinig ngayon ng TV Patrol. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino

03/08/2012 11:06 PM