Ping, di pa tiyak na boboto laban kay Ombudsman Merci
Limang buwan naging sarado ang opisina sa Senado ni Senador Panfilo Lacson.
Sa muli niyang pagpasok sa kuwarto matapos ang mahigit isang taon, maluha-luha siyang sinalubong ng mga empleyado niya.
Matagal hinintay ng staff na si Marlene Ti ang pagkakataong ito.
Balik na siya sa kinasanayang opisina matapos itong ipasara.
Aniya," Siyempre po naiyak kaming lahat kasi sobrang miss po namin talaga siya."
Pribadong kinausap ni Lacson ang mga empleyado niya.
"Tuwang-tuwa siya, nagkita-kita kami... Na-hurt lang siya dahil ang suweldo ay na-cut," kuwento no Lucy Orille, isa sa mga staff ng senador.
Iisa naman ang kapansin-pansin para sa kanila.
"Mas lalong naging guwapo," biro ni Orille, "Tsaka pumuti."
Naroon din si Senator Franklin Drilon para salubungin si Lacson.
Bago ito, pinagkaguluhan ang senador ng mga miyembro ng media na higit isang taon ding nabigong makibalita sa kanya.
Sinasabing sa pagbabalik ni Senador Lacson, lalakas ang puwersa ng administrasyon sa Senado lalo na sa nalalapit na impeachment trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Iba naman ang pananaw ng senador, na ni hindi na raw sigurado ngayon kung kakampi pa niya ang administrasyon.
Mas titingnan daw ni Lacson ang ebidensya sa kaso.
Aniya," I'm not a shoo-in judge na boboto for the impeachment of Ombudsman Gutierrez... Ako mismo, naging victim ng pagwawalang-bahala sa rules of evidence."
Hindi naitago ng senador ang pagkadismaya sa pagtrato sa kanya ng administrasyon, partikular ng Justice department.
Nang tanungin kung itinuturing pa rin niya ang sarili bilang kaalyado ng Pangulong Benigno Aquino III, ang malaman na sagot ni Lacson—nababasa niya lang ito sa diyaryo. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino
03/28/2011 11:42 PM







