EXCLUSIVE: Ombudsman, umapelang huwag madamay ang pamilya


Nasa opisina si Ombudsman Merceditas Gutierrez nang mabalitaang may nagra-rally sa kanyang bahay sa Maynila kaninang umaga.

Tuloy pa rin ang kanyang trabaho kahit napipinto ang impeachment trial niya sa Senado sa Mayo.

Pero hindi naitago ni Gutierrez ang maghimutok sa aniya'y atat na atat na matanggal siya sa trabaho.

“Umaapela ako sa inyo na spare my family, spare my community from all this dahil meron naman tayong Senate trial na hinihintay,” sabi ni Gutierrez.

Imbes aniya na manggulo sa kalsada, mas mabuting sa Senado na lang sila magkita.

“Ako'y umaapela kina Ms. Baraquel and Ms. Navarro and others na magkita na lang tayo sa Senado at palakasin na lang ninyo ang inyong kaso,” dagdag pa ni Gutierrez.
 
Tiwala si Gutierrez na maaabsuwelto siya sa Senado.
 
Itinalaga na rin niya si Atty. Tom Syquia na bagong tagapagsalita kapalit ni Atty. Salvador Panelo.
 
Samantala, kinatigan ni Gutierrez ang pasya ni Deputy Ombudsman for the Military Emilio Gonzalez III na labanan ang pagsibak sa kanya ng Palasyo.
 
Naunang sinibak ng Malacañang si Gonzalez dahil inupuan daw nito ang kaso ng Luneta hostage-taker na si Capt. Rolando Mendoza at tinangka rin daw nitong kikilan ang naturang police officer.

Sa isang pahayag, itinanggi ni Gonzalez ang findings ng Palasyo at iginiit na malinis ang kanyang konsensya.

Nilinaw naman ni Gutierrez na hindi nila tinatabla ang Malacañang sa isyu.

“Napakasama ng nangyari kay DO Gonzalez.  Alam ko naman kung paano siya magtrabaho. Ang sinasabi lang natin ay may proseso at mayroon pang available remedies si Gonzalez,” paliwanag ni Gutierrez.
 
Inihahanda na ni Gonzalez ang kanyang apela sa Palasyo. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino