EXCL: Pacman handang manumpa sa PDP-Laban

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kasing lakas ng mga suntok ni Sarangani Congressman Manny Pacquiao ang balitang nakipagsanib-puwersa na siya sa partidong PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay.

Ito'y matapos ihayag ni Binay na nakikipagnegosasyon sila sa kampo ni Pacman.

“Nag-usap kami ni Manny sabi niya gustong gusto niya sumali sa PDP-Laban,” sabi ni Binay.

Ngayon inamin ni Manny na handa siyang manumpa sa PDP-Laban.

“I’m willing but hindi pa naman ako nakaka-take oath. Hinihintay ko na lang ang go signal nila,” sabi ni Pacquiao.

Malabo naman ang alok na maging isa siya sa senatorial candidate dahil wala pang 35 anyos ang kampeon.

“Mind ko naka-set to run as governor,” sabi ni Pacquiao.

Hindi naman apektado si Pacquiao sa mga balita sa Internet kung saan kinasuhan diumano ang kanyang foundation dahil sa maling deklarasyon at hindi pagbabayad sa isang shipping company.

“Nananawagan ako sa lahat na huwag basta-basta gagamitin ang pangalan ko na wala naman akong authority,” sabi ni Pacquiao.

Sa ngayon, abala ang boxing champ sa kanyang pag-eensayo.

Isang General Santos boxer din ang kanyang ilalaban sa undercard -- ang 20 anyos na si Ernie Sanchez.

Binigyan pa siya ni Pacquiao ng bagong sapatos para makapag-ensayo ng maayos.

“Galingan ko lang daw. Ang isipin ko lang ang speed niya at sa hangin ko,” sabi ni Sanchez.

Kasama na rin si Sanchez sa Team Pacquiao na luluwas ng Baguio City sa susunod na linggo para sa mas dibdibang ensayo. Jay Dayupay, Patrol ng Pilipino

04/13/2012 12:10 AM