Nominee para maging ambassador to China, balak palitan

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Matapos harangin ng Commission on Appointments nang tatlong beses, pinag-iisipan nang palitan ni Pangulong Aquino si Domingo Lee bilang nominado para maging ambassador ng Pilipinas sa China lalo't muli na namang sumiklab ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal.

Hindi kasi kuntento ang Commission on Appointments sa mga sagot ni Lee tungkol sa mga isyu sa pagitan ng dalawang bansa.

Kaya walang ambassador ang Pilipinas sa China nang mangyari ang Manila hostage crisis at bitayin ang ilang Pilipino sa China dahil sa pagpuslit ng droga.

"As the situation changed that changes also the parameters of the ambassador we need in China. Does he possess the necessary skills to be able to help us navigate this treacherous water at this point in time?" ani Pangulong Aquino.

Sa ngayon, patuloy pa ring nag-uusap ang Department of Foreign Affairs at si Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing para maayos ang pinakahuling gusot sa Scarborough o Panatag Shoal.

“Mas maganda ba sa'yo na ipadala natin lahat ng maritime vessels natin doon, prevent ang Chinese maritime surveillance vessels that are unarmed and force China to react by sending their own military forces? Would escalation serve the national interest?" sabi ni Pangulong Aquino.

Kaya raw hindi inaresto ang mga mangingisdang Chinese at pinayagang makaalis dala-dala ang mga nakuhang lamang-dagat.

Ito rin ang dahilan kung bakit umatras ang barkong pandigma ng Philippine Navy at pinalitan ng barko ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa Pangulo, ang pagpoposte ng sibilyang barko ay isang paraan pa rin daw para igiit na bahagi ng teritoryo ng bansa ang Scarborough Shoal.

Wala rin daw kinalaman ang Balikatan exercises ng Pilipinas at Amerika sa agawan ng teritoryo. Matagal na raw itong naka-schedule. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino

04/16/2012 10:56 PM