PNoy umapela na tratuhin nang maayos ang mga OFW

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Maya't maya may nababalitaang overseas Filipino worker (OFW) na nakararanas ng pang-aabuso mula sa kamay ng kanilang mga amo.

Sa pagpupulong ng mga labor minister mula sa mga bansa sa Asya kabilang na ang Middle East, nanawagan si Pangulong Aquino na tiyakin ang maayos na pagtrato sa mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.

“What all of us want is clear -- we want recruitment for our people to be both fair and efficient. We want workers to be treated with dignity,” sabi ni Aquino.

Kasama sa agenda ang 2012 Framework of Regional Collaboration of the Abu Dhabi Dialogue kung saan mangangako ang mga kalahok na bansa na pag-iibayuhin ang inspeksyon sa mga lugar na pinagtatrabahuan at pagpapatupad ng mga labor standards.

Pero sa huli, masasabi lang na nagtagumpay ang pulong kung mababawasan, kundi man tuluyan nang mawawala, ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW.

Sa pulong na ito una ring nagkita sina Pangulong Aquino at Vice President Jejomar Binay mula nang itayo ni Binay ang isang koalisyon na posibleng makabanggaan ang Liberal Party ng Pangulo sa darating na halalan.

Mula rito ay dumiretso ang dalawang lider sa kalapit na Coconut Palace kung saan inikot ni Binay ang Pangulo sa bagong tanggapan ng Pangalawang Pangulo.

Ito rin ang unang beses na nakatapak ang Pangulo sa Coconut Palace na itinayo noong panahon ni Marcos.

“Maaliwalas naman dito kumpara doon sa Palasyo,” sabi ni Aquino kay Binay.

“’Yung opisina niyo, sir, batong bato iyon eh. At least ito may kahoy,” sagot naman ni Binay.

Natapos sa kamayan ang pagtatagpo ng dalawa. Pero ayon sa Palasyo ay hindi raw napag-usapan ang pulitika. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino

04/19/2012 11:07 PM