Matrikula sa 222 kolehiyo, pinayagang itaas

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Malapit na ang enrollment kaya problemado na si Rodolfo Atienza.

Dalawa na sa kanyang tatlong anak ang magkokolehiyo.

Pero dahil kapos sa budget, ang panganay lang ang nasa pribadong paaralan.

“Pinipilit talaga naming igapang ‘yung pag-aaral ng anak ko, mas mataas kasi ang kalidad sa private,” sabi ni Atienza.

Nasa P22,000 ang tuition ng kanyang panganay.

Taun-taon, P1,000 raw ang itinataas ng matrikula niya.

Sa tala ng CHED, sa bagong school year ay mahigit 200 private colleges and universities sa buong bansa ang pinayagang magtaas ng matrikula ng mula 7% hanggang 15%.

Tatlumpu’t tatlo sa mga ito nasa National Capital Region.

Ang masaklap dito, sabi ng CHED, dadami pa ito kapag naiproseso na ang petisyon ng iba pang mga paaralan.

Nababahala ang Kabataan party-list group.

Tiyak na maglilipatan na naman daw sa public colleges ang mga hindi na kayang mag-aral sa private school.

“Hindi naman tumataas ang pondo ng ating mga state universities. Lumalaki ‘yung kanilang enrollment baka mag-suffer ‘yung quality at service nila,” sabi ni Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Sa loob ng nakalipas na limang taon, mula 80% ay bumaba sa 60% ang mga college students sa buong bansa na nasa mga pribadong paaralan.

Samantala, tumaas naman sa 40% ang mga nasa public colleges.

Aminado ang CHED, limitado ang tulong na puwedeng ibigay ng gobyerno sa mga pribadong paaralan.

“Puwede naman nila i-tap ‘yung scholarships ng CHED, hindi nga lang ganoon kataasan,” sabi ni Atty. Julito Vitriolo, executive director ng CHED.

At dahil kapos din sa budget ang gobyerno, sabi ng CHED, hindi rin nito kayang dagdagan ang pondo ng mga pampublikong unibersidad.

Para sa CHED at sa Kabataan party-list, malaki ang hamon sa private colleges na humanap ng ibang mapagkukunan ng kanilang gastusin, sa halip na lagi na lang iniaasa sa matrikula ng mga mag-aaral. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino

04/25/2012 12:28 AM