Cabinet men hindi nasabi sa rally na ibinasura ang umento

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Galing man sa iba't ibang grupo, iisa lang ang layunin ng mga nagmartsa kanina mula sa Mabuhay Rotonda. Sigaw nila ang pagbuwag sa contractualization at ang panukalang umento na P125 sa sahod.

Habang papalapit nang papalapit sa Mendiola itong mga labor groups ay sinasalubong sila ng ibang nagpo-protesta, kaya naman habang papalapit nang papalapit sila sa Mendiola, ay mas dumarami ang sumasanib sa protesta.

Sa dami ng nagmartsa, nagsikip ang daloy ng trapiko sa ilang mga kalsada.

Ang ibang sumama sa martsa, nag-iwan ng bakas sa dinaanan gamit ang pintura.

Matapos ang higit isang oras na pagmartsa, sa Mendiola nauwi ang protesta.

Naglabas pa sila ng telang lubid para maging simbolo ng kanilang pagbibigkis at pagkakaisa.

Isa na sa mga nagtiis sa init ng araw ang estudyanteng si Shiela, na unang beses sumali sa mga ganitong pagkilos.

“Nakakatuwa kasi nakikita nating nagkakaisa ‘yung iba’t ibang grupo dito sa bayan natin,” sabi ni Shiela.

Beterana namang maituturing si Aling Fe, na taun-taon nakikimartsa sa mga labor day rally.

“Gusto sana namin ‘yung panawagan ng mga manggagawa sa araw na ito ay ibigay natin,” sabi ni Aling Fe.

Pero bago magtapos ang programa ng mga nag-rally, sumulpot ang mga kalihim na inutusan ng pangulo para harapin ang mga nagprotesta.

“Kami ay muling haharap sa pangulo upang gawan ng kaukulan na aksyon ito pong nailistang kahilingan at mga panukala po ninyo. Ang lakas ng manggagawa ay nasa pagkakaisa ng inyong hanay. Mabuhay po kayo,” ani Secretary Butch Abad ng Department of Budget and Management.

Hindi nila binanggit sa mga nagprotesta na kinontra na pala ni Pangulong Aquino ang kanilang ipinapanukalang P125 wage hike.

Nangako lang sila na ipapaabot ang mga rekomendasyon ng mga labor leader sa pangulo. Kaya't sa huli, pinalakpakan ng mga nagprotesta ang mga sugo ng pangulo. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino

05/01/2012 10:38 PM