Pacman pinakamayaman sa 15th Congress


Knockout kay Congressman Manny Pacquiao ang mga beterano at makapangyarihang pulitiko pagdating sa kayamanan.

Base sa Statement of Assets, Liabilities and Networth ng 15th Congress para sa 2010, nag-iisang bilyonaryo si Pacman sa kasaysayan ng Kamara. Wala din siyang utang.

Pasok din sa pinakamayayamang mambabatas si Albee Benitez, anak ng dating Human Settlements Minister ni Marcos, si dating First Lady Imelda Marcos, pamangkin na si  Martin Romualdez, ang kapatid ni Eduardo "Danding" Cojuangco na si Enrique at manugang na si Carmen.
   
Nasa top 50 din ang mga Arroyo.

Pang-17 pinakamayaman si dating Pangulo at ngayo’y Congressman Gloria Macapagal-Arroyo.

Kasunod niya ang bayaw na si Iggy Arroyo at ang mga anak na sina Mikey at Dato.

Isa rin sa pinakamayayamang kongresista ang anak ni dating Pangulong Estrada na si JV Ejercito.

Mula sa showbiz, nariyan sina Lucy Torres-Gomez at Lani Mercado-Revilla.

Si Speaker Sonny Belmonte nasa ika-pitong puwesto.
   
Kung panalo sila sa kayamanan, bagsak naman ang ilan sa kanila sa attendance.

Kasama sa pinakamadalas absent sa sesyon sina Congressmen Pacquiao, Benitez, Ledesma, Enrile, Mikey Arroyo, Christopher Co at Ferjenel Biron para sa 2010.
   
Sa kabilang banda, si Anakpawis Rep. Rafael Mariano, na pinakamahirap na kongresista, ang siyang pinakamasipag pumasok dahil 3 beses lang siyang nag-absent. RG Cruz, Patrol ng Pilipino