SALN ng mga miyembro ng Gabinete ni PNoy idinetalye

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa Gabinete ni Pangulong Aquino, si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang lumalabas na pinakamayaman. Higit P657 milyon ang kanyang yaman batay sa kanyang 2011 Statement of Assets, Liabilities and Networth.

Mayroon siyang mahigit P80 milyon na halaga ng mga lupa at condominium units. Mahigit P500 milyong naman ang kabuuang halaga ng kanyang hawak na cash, investments, stocks, sasakyan, at gamit. Wala siyang anumang utang.

Pasok din sa top 10 na may pinakamalaking idineklarang net worth sina Finance Secretary Cesar Purisima, Tourism Secretary Ramon Jimenez, DOTC Secretary Mar Roxas, DTI Secretary Gregory Domingo, Energy Secretary Rene Almendras, Agriculture Secretary Proceso Alcala, DPWH Secretary Rogelio Singson, Health Secretary Enrique Ona, at Vice President Jejomar Binay na bahagyang bumaba ang net worth.

Nasa P5 milyon naman ang kabuaang yaman ni Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas na idineklara rin ang limang pag-aaring baril, kabilang na ang kontrobersyal na AK-47 na nadiskubre sa kanyang sasakyan na nasangkot sa aksidente.

Naglalaro lang sa P3 milyon ang kabuuang yaman nina Justice Secretary Leila de Lima at DSWD Secretary Dinky Soliman, habang wala pang isang P1 milyon ang net worth nina Labor Secretary Rosalinda Baldoz at DepEd Secretary Armin Luistro.

Bukod sa hawak na cash na P739,000, wala nang ibang ari-arian si Luistro na isang La Sallian brother.

Sa pagpirma sa SALN, pinapayagan din ng mga opisyal ang Ombudsman na imbestigahan ang kanilang yaman kung kinakailangan, gayundin ang ibang opisyal at kawani ng gobyerno. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino

05/15/2012 9:58 PM