Mga taga-Luisita, dumalo sa Novena Mass para kay CJ

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Masigabong palakpakan ang bumati kay Chief Justice Renato Corona bago nagsimula ang Thanksgiving Mass na inorganisa ng Korte Suprema para sa ika-2 taon niya bilang Punong Mahistrado.

Ika-5 araw din ito ng Novena na humihiling na mapawalang-sala ng impeachment court si Corona.

“I thank you for giving me life and for all that you have done for me,” sabi ni Corona.

Naroon din ang ilang mahistrado ng Korte Suprema, mga miyembro ng defense team at iba-ibang grupong sumusuporta kay Corona sa loob at labas ng hudikatura, kabilang ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita na tinawag na kampeon ng repormang pang-agraryo si Corona.

“Thank you for the effort in joining us today for the Mass,” sabi ni Mrs. Cristina Corona.

Nilapitan ni Corona ang mga magsasaka.

“Itinaya ko na po ang buong buhay ko para sa inyo. Tinaya ko na ang lahat,” sabi ni Corona.

Hindi nagtalumpati si Corona.

Kalmado at hindi bakas sa mukha ang paghahanda para sa pagharap sa impeachment court sa darating na linggo.

Nanawagan naman ang prosekusyon na pumirma na si Corona ng waiver para pahintulutang masilip ng impeachment court ang kanyang umano’y dollar accounts.

Mensahe ng masugid na taga-suporta ng punong mahistrado, antayin dapat ng prosecution ang testimonya niya.

Huwag daw mamilit ang mga ito na gawin niya ora-orada ang gusto nila.

Naghahanda na rin ang prosekusyon pero tanging private prosecutors ang magko-cross examine kay Corona sa Martes at hindi mga kongresista.

Aminado naman ang ilang taga-prosekusyon na sakaling ma-acquit si Corona, posibleng hindi ito masasampahan ng panibagong impeachment complaint sa Disyembre lalo't magiging abala ang mga mambabatas sa halalan sa 2013. Ina Reformina, Patrol ng Pilipino

05/17/2012 10:09 PM