Mga negosyante, namangha sa 'CJ dollars'


Si Romy Chua ay isang negosyanteng nagbebenta ng car accessories.

Dalawa ang bank accounts niya: isa para sa personal na savings at gastusin at ang isa para sa mga bayarin sa negosyo.

Kaya nang mabalitaan ni Romy na may 82 dollar accounts umano si Chief Justice Corona, nagulat siya.

“Kapag madami ang account mo, kailangan may maintaining balance,” sabi ni Romy Chua, presidente ng Jose Abad Santos Business Association.

Kung tutuusin, kakaiba na nga si Mang Romy dahil ayon sa isang pag-aaral ng Bangko Sentral, 8 sa 10 household sa bansa ay wala ni isang bank account, tulad nina Aling Resy at Aling Yolly.

“Kung talagang totoo ‘yun, eh napakasuwerte niya. Ang daming pera nu’n,” sabi ni Aling Resy.

Pero ayon kay Atty. Reynaldo Geronimo, eksperto sa banking at tumulong sa pagbalangkas ng batas na lumikha ng Anti-Money Laundering Council, bagama't nakakagulat, maaari pa rin itong maipaliwanag ni Corona.

Ani Geronimo, nasa batas ang gawain ng AMLC na i-monitor ang mga malaking transaksyon.

“It is not investigating, theoretically. It is just gathering data and the reports of the gatekeepers,” sabi ni Geronimo.

Ika nga ni Atty. Geronimo, naniniwala siyang maipaliliwanag ito ni CJ Corona. Pero aniya, ang mga pinaka-importante rito ay kung totoo ba ang dollar accounts at nakalista ba ito sa kanyang SALN. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino

05/17/2012 10:21 PM