Pulis-Maynila huli sa aktong pangongotong

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Maninita ng mga turista saka didilehensyahan. Ito ang modus ng dalawang pulis-Maynila. Hindi agad sila maisumbong ng mga nabiktima dahil ang mga pangalan nila tinatakpan gamit ang tuwalyang nakasabit sa kanang balikat. Sila ang tinaguriang "tuwalya boys" ng MPD.

Sunud-sunod ang mga reklamo ng kanilang nabiktima.

April 15, nagsumbong sa Makati Police Station ang isang Hapon na umano'y kinokotongan ng tuwalya boys. April 17 naman, nireklamo rin sila ng dalawang Koreano na hinihingian daw sila ng mga pulis ng P20,000.

At nu’ng April 23, sinumbong din ang mga pulis ng isang Hapon na inaresto at kinulong sa Manila City Jail nang isang buwan dahil umano sa kasong rape. Nang makialam na ang Japanese Embassy, walang biktimang maiprisinta ang mga pulis. Giit ng Hapon na si Yukiyo Haga, kinulong lang siya dahil walang maibigay na lagay na P1 milyon.

Sa imbestigasyon ng MPD, napag-alaman nilang ang tuwalya boys ay sina PO2 Reynaldo Olivo at PO1 Vincent Paul Medina, parehong naka-assign sa Manila Police Station Five.

“Arestuhin na nila, dahil sigurado mambibiktima na naman ‘yan, dahil kailangang hulihin para hindi makasira sa departamento,” ani General Alejandro Gutierrez, director ng Manila Police District.

Dinisarmahan na ang dalawang pulis at pinasisibak na sa puwesto. Kinasuhan na rin sila ng MPD ng robbery through extortion.

Suspendido rin ang lima pa nilang kasamahan sa Manila Police Station Five na pinaghihinalaang kasabwat sa modus. Tinanggal din ang kanilang hepe sa istasyon at nagbaba ng bagong utos sa lahat ng mga pulis.

“Kung may mga pulis na mag-a-approach sa inyo, pilitin niyong makuha ‘yung pangalan dahil hindi pi-puwede na ang pulis na naka-uniporme ay tinatago ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagtatakip ng tuwalya,” sabi ni Gutierrez.

Dagdag ng MPD, dapat daw ay diresto na sa distrito ang lahat ng mga kasong may kinalaman sa mga turista para agad silang makipag-ugnayan sa mga embassy.

Sinubukan naming kunin ang panig ng mga tinaguriang “tuwalya boys,” pero hindi namin sila mahagilap. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino

05/17/2012 11:47 PM