Mali ang kuwenta ng Ombudsman, sabi ng kampo ni CJ


Inihalintulad ng depensa ang 82 dollar accounts na lumabas sa testimonya ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa 45 properties na una nang sinabi ng prosekusyon na pag-aari ni Chief Justice Renato Corona.

Napatunayan kasi nila sa pagdinig na lima lang talaga ang ari-arian ng punong mahistrado.

“Ang 82 na iyon ay hindi po 82. Baka po tatlo o apat lamang ang account na ganoon based on the document sa pagsusuri ng mga accountant. Hindi naman nangangahulugan, kaya hindi namin maamin or ma-deny, na kanya iyon,” sabi ni Atty. Tranquil Salvador III, abogado ni Corona.

Batay daw sa pagsusuri ng kanilang mga accountant sa mga dokumento ng Ombudsman mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC, lumalabas na mali ang sinunod na proseso ng Ombudsman.

“Dahil transactional entries siya, iyong iba either sarado na or wala na kaya lumiit siya to three or four," sabi ni Atty. Karen Jimeno, abogado ni Corona.

“Tinatanong lang po natin si Ombudsman, kapag hindi niyo po napatunayan ang bintang niyo na mayroon siyang $10 million to $12 million, kinakailangan ho kayong mag-resign,” sabi ni Atty. Rico Quicho, isa pang abogado ni Corona.

Kinuwestyon din ng depensa ang nilalaman ng mga dokumento gayong hindi ito ma-authenticate ni Morales.

Pero kinumpirma ng AMLC na tama ang isinumite nilang report.

“They should have subpoenaed us to we could have established the authenticity,” sabi ni Atty. Emmanuel Dooc ng AMLC.

Pero tikom pa rin ang bibig ng depensa kung ilan ba talaga ang dollar accounts ni Corona at kung magkano ang mga nilalaman nito.

Bahala na raw ang punong mahistrado na isiwalat ito sa kanyang testimonya sa susunod na linggo.

Para naman sa Malacañang at maging sa prosekusyon, ang isyu ay hindi kung ilan ang dollar accounts ni Corona kundi bakit hindi ito idineklara sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net worth.

Pero kampante ang depensa na maipapaliwanag ito ni Corona. 

Abala na nga raw ngayon ang depensa sa pagpapraktis sa kanilang kliyente kung paano sasagutin ang mga tanong na posibleng ibato sa kanya ng senator-judges. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino

05/18/2012 11:57 PM