Senado, balik-tutok sa mga panukalang batas

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Limang buwang ding nakatutok sa impeachment trial ang Senado, kaya't bagama't masaya sila na maayos na natapos ang buong paglilitis, minamadali na rin ngayon ng Senado na maipasa ang mga panukalang batas bago magtapos ang sesyon sa June 7.

Balik sa dating schedule na alas-3 ng hapon ang mga sesyon at tatlong panukalang batas ang ipinasa nila.

Ito ay ang panukalang batas na tumitiyak na confidential ang address at telephone number ng biktima at mga testigo sa isang criminal proceeding, pagkakaroon ng taunang tree-planting event ng mga lokal na pamahalaan at pagbibigay ng kapangyarihan sa mga city at municipal registrar na itama ang mga clerical error sa birth certificate kahit walang court order.

Kabilang naman sa mga panukalang batas na iniharap sa plenaryo kanina ang Senate Bill 107 na inoobliga ang lahat ng opisyal ng gobyerno na pumirma ng waiver para payagan ang Ombudsman na silipin ang lahat ng bank accounts nila.

Tinakalay rin ang mga panukalang pagbabago sa Anti-Money Laundering Act para mapalakas ito at ang reproductive health bill.

Sa sesyon kanina, gumawa ang mga senador ng resolusyon na binabati ang isa't isa, lalo na si Senate President Juan Ponce Enrile para sa maayos na pagdaos ng impeachment trial.

“Ipinakita natin sa sambayanang Pilipino at sa buong mundo na kaya nating gampanan at tumalima sa isang sagradong tungkulin na inilagak at iniatang sa atin ng ating Saligang Batas. I take this opportunity to congratulate you Mr. Senate President not only for your legal acumen and your gifted skill, your knowledge and appreciation of the minute details of the law and judicial processes, but your probity and impartiality in the handling of the most difficult episodes of the trial,” sabi ni Sen. Jinggoy Estrada.

“It's a big relief not only for us senators who acted as judges but for the Filipino people as well,” sabi ni Sen. Panfilo Lacson.

“Mabigat pa rin sa dibdib, ito ang kauna-unahang beses sa buhay ko na may hinatulan akong tao,” sabi naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Samantala, naniniwala naman ang ilang senador na hindi na dapat pang kasuhan si dating Chief Justice Corona.

Para kina Senador Estrada at Angara, masyado nang mabigat na parusa ang pagkakatanggal niya sa puwesto at pagbabawal na bumalik siya sa gobyerno.

Para naman kay Senador Escudero, dapat nang mag-move on ang administrasyong Aquino at hindi na gawing prayoridad ang pagsasampa ng kaso laban kay Corona.
 

05/30/2012 10:41 PM