Carpio, de Lima nag-inhibit sa deliberasyon ng JBC


Si retired Justice Regino Hermosisima ang napilitang mag-preside kanina sa unang meeting ng Judicial and Bar Council (JBC) para simulan na ang pagpili sa ipapalit sa napatalsik na si dating Chief Justice Renato Corona.

Ito ay matapos na boluntaryong mag-inhibit si acting JBC chair Antonio Carpio dahil isa siya sa limang senior justices na kuwalipikado na pumalit kay Corona.

“For purchase of voting, that’s the time that they should inhibit. But to preside, I believe that Justice Carpio should be the one to preside,” sabi ni Hermosisima.

Tatanggap ng rekomendasyon at nominasyon ang JBC hanggang June 18 at posibleng makapagsumite na sila ng listahan sa Pangulo bago matapos ang Hulyo.

“June 25 we will have a long list. That long list will be published on June 27. First week of July we will have the interviews and then hopefully by July 16 we can finish the process,” sabi ni Atty. Milagros Cayosa.

Isa si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na nilulutang na ipapalit kay Corona bagama’t ayon sa kanya ay wala pa namang nag-e-endorso sa kanya.

Ganoon din ang pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima.

Magpapasya lang daw siya kung mayroon na siyang nominasyon.

Pero ngayon pa lang ay may kontra na sa kanila dahil tumestigo raw sila laban kay Corona sa impeachment trial.

"It cannot be helped but raise doubts in the minds of the public that they were testifying so they can get rid of the incumbent and replace him," sabi ni Senador Miriam Defensor Santiago.

"Propriety dictates na kung sakaling ma-nominate, mag-beg off siya,” sabi ni Senador Panfilo Lacson.

Sa eksklusibong panayam ni Ted Failon kay Pangulong Aquino, bukod pa sa mga imbestigasyong gagawin
ng JBC ay mayroon ding research group ang Malacañang para imbestigahan ang mga pangalang isusumite sa kanya.

“Basta 'yong listahan na ibibigay sa atin ng JBC, independent body sila, kailangan ko mamili doon. Mayroon akong 90 days. Siyempre doon sa listahan na iyon, mayroon din kaming Judicial Research Committee na tinatawag. Sinusubukan natin malaman lahat ng puwedeng malaman tungkol doon sa mga nominado hindi lang doon sa Supreme Court, pati sa Regional Trial Court, pati sa Municipal Trial Court pati sa Court of Appeals na makuha natin ang pinakamagaling,” sabi ni Aquino.

Nagpasya na rin ang JBC na papirmahin ng waiver ang mga aplikante para buksan at makilatis ang kanilang mga bank deposit peso man o dolyar. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino

06/04/2012 10:14 PM