Scarborough napag-usapan ni PNoy at punong opisyal ng US military


Nakipagkita kay Pangulong Aquino si General Martin Dempsey, ang chairman ng Joint Chiefs of Staff ng Amerika.

Kabilang sa napag-usapan ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal at ang tulong ng Amerika sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas sa depensa.

"Pinag-usapan po roon ang defense and security cooperation to provide us assistance on the minimum credible defense position natin," sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Binisita rin ni Dempsey si AFP Chief of Staff General Jessie Dellosa sa Camp Aguinaldo kung saan tinalakay din ang sitwasyon sa West Philippine Sea at Mindanao.

Nasabay pa ang pagkikita sa paglabas ng balitang sinakop na ng China ang Scarborough Shoal, bagay na itinanggi ng militar at Department of Foreign Affairs.

“This is in the furtherance ng ating mutual defense treaty at ang enhancement ng bilateral relations,” sabi ni Colonel Arnulfo Burgos ng Armed Forces of the Philippines-PIO.

Daragdagan din ng US ang kanilang puwersa sa ilalim ng Balikatan Exercises para mapabilis din ang pagresponde lalo’t panahon ngayon ng mga bagyo.

Tutol ang China sa anila'y panghihimasok ng ibang bansa sa usapin sa pagitan ng Pilipinas at China pero ayon sa Palasyo, hindi raw dapat ikabahala ng China ang pagbisita ni Dempsey.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at China sa layuning ipaatras sa China ang mga sasakyang pandagat nito sa Scarborough.

Sa magiging pulong ni Pangulong Aquino kina US President Barack Obama at British Prime Minister David Cameron ngayong linggo, inaasahang matalakay din ang isyu sa West Philippine Sea.

"Susuriin din natin ang kasalukuyang pagtutulungang pang-seguridad upang makita kung paano higit pang mapapalakas ang kakayahan ng Pilipinas bilang kanilang kaalyado sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyong Asya-Pasipiko," sabi ni Pangulong Aquino.

Kanina, tumulak na si Pangulong Aquino para sa kanyang official visit sa UK at US. Balik-Maynila ang Pangulo sa susunod na linggo.

06/04/2012 10:42 PM