Miriam pinagbintangan ang media na 'di patas

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Isa si Atty. Vitaliano Aguirre sa mga gustong harangin ang pag-upo ni Senadora Miriam Santiago sa International Criminal Court sa the Hague, Netherlands.

Ayon kay Aguirre, baka mapahiya lang daw ang bansa dahil baka maulit ang ginawang panghihiya ng senadora sa kanya at iba pang mga abugado noong impeachment.

"Why don’t she take a psychological test, a neuro-test? Para malaman natin na talagang hindi na niya gagawin ang mga ginawa niya sa impeachment court,” ani Aguirre.

Dahil sa muling pag-iinit ng ulo ng senadora noong paghatol kay Chief Justice Corona, kumbinsido si Aguirre na dapat suportahan ang online petition na harangin ang pag-upo niya sa ICC.

"She has a melagomaniac attitude. Ang tingin niya sa mga tao napakababa at siya lang ang napakataas eh, pero hindi naman totoo ‘yun eh, kasi ‘yung mga pinagdadaldal niya du’n ang daming mali eh,” ani Aguirre.

Sa session hall kaninang hapon, maayos kong tinanong sa senadora ang isyu para makuha ang kanyang panig. Sinagot niya naman ang tanong pero sabay nag-walkout.

"I’m not going to comment on that. That’s insulting to ask me, things like those. You know very well that that is meant to discredit me as a senator who voted for acquittal,” sabi ni Santiago.

Dumiretso si Santiago sa upuan niya. Pero maya-maya, tumayo rin siya at biglang nagpatawag ng press con sa media room. Pinahanap niya ang aming news team, at imbes press con, nanermon ang senadora.

"Sinuhulan ka ba? Pakiusap ko lang sa media, kung nakargahan kayo, puwede ba, huwag niyo na lang ako isama. At ikaw naman Mr. Niko Baua, pinapahiya mo ang sarili mo na gamitin ka ng taong ‘yun. What conclusion do you think I will reach as an intelligent person?” ani Santiago.

Pinagalitan din ni Santiago ang iba pang mga taga-media na nagpapagamit umano sa kanyang mga kaaway. Dapat raw ay tutukan ang trabaho niya sa Senado at hindi ang paninira sa kanya.

"I appeal to you, will you please be fair to me? You know there is a black propaganda campaign against me. Please don’t ask me anymore,” sabi ni Santiago.

Agad ding tinapos ng senadora ang press con na wala namang naibatong tanong sa kanya.

Sa ngayon, hinihintay na lang ni Santiago ang tawag ng ICC bago niya simulan ang kanyang panunungkulan. Niko Baua, Patrol ng Pilipino

06/05/2012 11:45 PM